Anak isinunod sa ama sa hukay

Anak isinunod sa ama sa hukay

November 25, 2022 @ 12:06 PM 1 week ago


BANGA, Aklan- DALAWANG buwan pa lamang ang nakalipas ng pagbabarilin-patay ang ama, sunod naman binaril-patay ang anak na lalaki ng riding in tandem suspect habang nag-iihaw ang una kahapon ng hapon sa bayang ito.

Kinilala ang biktimang si Ace Gumban, 38, at residente ng Barangay Lapnag, Banga.

Batay sa report ng Banga Municipal Police Station, dakong 5:30 PM nagtitinda ang biktima ng kanyang barbecue sa nasabing lugar ng lapitan ito ng dalawang suspek na naka-motorsiklo at nakasuot ng full face helmet.

Dito, walang babalang pinagbabaril ang biktima ng apat na beses sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos krimen mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Barangay Polo ng nasabing bayan.

Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakapulot sila ng apat na basyo ng kalibre 45 na baril at 9mm na baril.

Ayon kay PSSgt. Danilo Dalida, ng Banga-PNP, si Ace ang tumatayong complainant sa kaso ng kanyang amang si Armando Gumban alyas “Bonjing” na binaril-patay rin noong Setyembre sa Polocate, Banga.

Sinabi ni Dalida, na nasampahan ng direct filing noong October ang dalawang suspek na hindi pinangalanan at dumating ang subpoena sa mga ito nitong Nobyembre.

Paniwala naman ng awtoridad na iisa lamang ang suspek sa pagpaslang sa mag-ama na ang tinitignan motibo ay away-lupa at problemang pamilya.

Nagpapatuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad sa mga suspek./Mary Anne Sapico