Pasig City – Sa isinagawang buy-bust operation ng Pasig Station Drug Enforcement Unit, naaresto ang anak ni Jess Lapid Jr. at tatlong iba pa matapos mahulihan ng marijuana.
Dalawanglibong pisong halaga ng illegal na droga ang binili ng operatiba at nakipagkita siya kay Jose Maria Lapid alias Joey sa Ortigas Avenue Extension sa Brgy. Sta. Lucia Pasig City.
Nang magkaabutan na ng item at pera ay doon na inaresto si Lapid at mga kasamahan niyang sina Franklin Ramos, Zackaria Bansil, at Xavier Allan Raymundo.
Itinago ang marijuana sa dalawang punda ng unan at eco-bag.
Sa kabuuan, nasa dalawang kilong illegal na droga ang nasabat na may street value daw na P80,000.
Ayon sa Pasig Police, dalawang linggo na ang nakaraan nakatanggap sila ng impormasyon mula sa concerned citizen kaugnay sa pagbebenta ng marijuana ng grupo.
Aalamin daw nila kung saan kinukuha ang illegal na droga.
Base sa intel ng Pasig Police, anak ng action star na si Jess Lapid Jr. ang naarestong si Jose Maria pero itinanggi ito ng suspek.
Itinanggi rin niya na nagtutulak siya at napag-utusan lang na ihatid ang marijuana.
Ginawa raw niya yun dahil sa pera.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Joshua Abiad)
Courtesy: Pasig Police