Anak ng alkalde sa NegOcc, timbog sa droga

Anak ng alkalde sa NegOcc, timbog sa droga

August 19, 2022 @ 10:03 AM 1 month ago


SAN CARLOS CITY- ARESTADO ang anak ng alkalde at labandera ng target sa isinagawang buy bust operation ng mga awtoridad Huwebes sa probinsya ng Negros Occidental.

Kinilala ang nadakip na suspek na si Nestor Era Jr., anak ni Calatrava Mayor Marilyn Era; target na si Chito Atienza, ng Luzuriaga Street, Barangay 6, San Carlos City, Negros Occidental, at senior citizen nitong labandera na si Rosalia Nemenzo.

Batay sa report ng San Carlos City Police Station, gabi ng Miyerkules nadakip ang mga suspek sa bahay ni Atienza sa nabanggit na lugar.

Ayon kay Police Lt. Col. Jesus Mesahon, hepe ng San Carlos City Police Station, target nila sana sa operasyon si Atienza na sangkot sa droga noong 2019 at nasa listahan ito ng PNP bilang street level individual.

Subalit pagdating sa lugar, naabutan ng operatiba si Era at Nemenzo na gumagamit ng shabu.

Nakuha sa mga suspek ang mga drug paraphernalia at 13 na sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 15 gramo at nagkakahalaga ng P102,000.00.

Sinabi pa ng pulisya, na nakatanggap sila ng report hinggil sa dating illegal na aktibidades ni Atienza ang pagbebenta ng droga sa bahay nito subalit ginawa na rin pa nitong drug den.

Dagdag pa ng pulisya na ang mga shabu ni Atienza ay galing umano sa Cebu, Iloilo at Bacolod .

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek. /Mary Anne Sapico