Anak ng pinatay na si Calbayog Mayor Aquino: Kami na namatayan, ako pa kinasuhan



Anak ng pinatay na si Calbayog Mayor Aquino: Kami na namatayan, ako pa kinasuhan

June 10, 2021 @ 6:47 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines – Pumalag si Ronald Mark Aquino, anak ng napaslang na si Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino, sa pagsasampa ng dalawang bilang ng kasong murder laban sa kanya kaugnay ng pagkamatay ng dalawang pulis na sangkot sa umano’y ambush sa kanyang ama noong Marso.

Inakusahan ang nakababatang Aquino ng pamamaril kina PSSg. Romeo Laoyon and PCpt. Joselito Tabada, hepe ng provincial drug enforcement unit.

Nagtamo ng 17 tama ng bala ng baril si Laoyon habang isang gunshot wound sa tiyan ang ikinasawi ni Tabada.

Sa Senate hearing ukol sa pagkamatay ng alkalde kahapon, sinabi ni Samar Police Provincial Office head PCol. Oliver Cinco na base sa salaysay mg mga witness at ibang ebidensya, si Aquino ang itinuturong nasa likod ng pamamaril.

Pinabulaanan naman ito ni Aquino at iginiit na wala siya sa lugar nang mangyari ang insidente.

Katunayan aniya, dadalo dapat noon sa kanyang kaarawan si Mayor Aquino sa isang resort na 15 minuto ang layo mula sa pinangyarihan ng krimen sa Labuyao Bridge sa Barangay Lonoy.

“Naabutan ko po na walang buhay na siya at tadtad po ng bala at wala po akong ibang ginawa kundi yakapin ang tatay ko. Tahimik na po at wala na pong nangyaring putukan at marami na pong sibilyan,” kwento ni Aquino.

“Kami na nga po ang pinatayan ng ama, ako pa po ang kinasuhan,” aniya pa.

Nanindigan naman si PCpl. Edcil Omega na nakita niya si Aquino at kasabwat na pulis na si PCpl. Ramil Rosales sa ilalim ng tulay pero hindi sumali sa anila’y shootout dahil sa kanilang disadvantageous position.

Pero ayon sa National Bureau of Investigation, walang footage na nagpapakitang nasa bisinidad si Aquino dakong alas 5:30 ng hapon kung kailan naganap ang barilan.

Kumbinsido ang NBI na ambush ang nangyari at handa umano silang magsampa ng mga kasong multiple murder at frustrated murder laban sa anim na pulis at iba pang indibidwal na sangkot sa pananambang kay Mayor Aquino.

Naniniwala naman ang pamilya Aquino na politically motivated ang nangyaring ambush. RNT


  •  
  •  
  •