Anak ng S. Kudarat mayor pinagbabaril-patay

Anak ng S. Kudarat mayor pinagbabaril-patay

December 15, 2022 @ 6:37 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Patay ang anak ng alkalde sa Sultan Kudarat at isa pa, habang sugatan ang dalawa pang biktima sa isang pag-atake na naganap sa nasabing probinsya nitong Miyerkoles.

Kinilala ni Police Captain Leonel Delasan, hepe ng Lutayan police, ang nasawi na sina Datu Naga Mangudadatu, 30, natalong vice mayoral aspirant ng bayan sa Maguindanao del Sur; at Dennis Hadji Daup, 25, na pinagbabaril sa pampublikong pamilihan.

Si Datu Naga ay ang anak ni Lutayan mayor at dating provincial governor Mayor Pax Mangudadatu.

Napag-alaman na nakaupo lang si Naga sa harap ng kanyang business establishment sa pamilihang bayan, nang dumating ang mga suspek sakay ng isang pick-up vehicle at saka pinagbabaril ang biktima.

Si Daup, empleyado ni Naga, ay namatay habang ginagamot sa ospital. Habang hagip ng ligaw na bala sina Watari Kalim, 34, at isang 11-anyos na lalaki, kapwa taga-Paitan.

Nakakita ang pulisya ng mga basyo ng bala ng M-16 Armalite rifle at M-14 rifle sa pinangyarihan ng krimen. Wala pang inilalabas na salita mula sa pamilya Mangudadatu. RNT