ANAK NI SEC. REMULLA  NAPAWALANG-SALA  SA DROGA

ANAK NI SEC. REMULLA  NAPAWALANG-SALA  SA DROGA

January 9, 2023 @ 1:07 PM 3 weeks ago


HINDI malayong marami ang magtaas ng kilay sa naging desisyon ng Las Piñas City Regional Trial Court  na ipawalang-sala ang anak ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.

Naglabas na kasi ng kautusan si Judge Ricardo Moldez II ng Branch 197 na nagpapawalang-sala sa akusadong si Juanito Jose Diaz Remulla III sa kasong possession of dangerous drugs matapo madakip ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency  at  Ninoy Aquino International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group noong Oktubre 11, 2022 matapos tanggapin ang parcel na natukoy na naglalaman ng halos isang kilo ng high-grade marijuana o kush.

Sa desisyon ng mababang hukuman, nakasaad na nabigo ang Tagausig na makapagbigay ng iba pang ebidensiyang magpapatunay na alam ng akusado kung ano ang laman ng pakete nang kanya  tanggapin.

“The prosecution failed to show that [the] accused, by receiving the parcel, knew that he was also possessing illegal drugs,” nakalagay pa sa desisyon ng korte.

Sabi pa sa desisyon, noon pang Setyembre 20,2022 ay alam na ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force na iligal na droga ang laman ng pakete subalit ipinasa o nai-turn over lamang ito sa Customs Examiner noong Oktubre 4 kaya’t may punto ang depensa na kuwestiyunin ang integridad, pagkakakilanlan at kahalagahan ng laman nito.

Wala rin daw naipakitang rekord, pruweba o testimonya na ang naturang pakete ay naingatan at kung papaano ito hinawakan o pinangasiwaan mula nang matuklasan bago pa mai-turn over sa PDEA noong Oktubre 10 kaya may posibilidad na na-tamper o napakialaman ang laman nito.

Maaaring may mabigat na punto ang mababang hukuman para i-absuwelto sa mabigat na kaso ang anak ng kalihim dahil tiyak na hinimay ng husto sa naturang usapin ang lahat ng mga ebidensiyang iprinisinta ng Tagausig.

Dangan nga lamang ay hindi talaga maaalis na may mga pagdududang uusbong dahil nasa kapangyarihan ang ama ng akusado kahit pa nga tiniyak ng kalihim na hindi siya makiki-alam sa kaso ng anak at hahayaan niyang gumulong ang hustisya.

Ganyan naman talaga ang mentalidad ng marami kapag ang isang akusado ay anak o magulang ng isang nasa kapangyarihan ay napawalang-sala sa mabigat na usapin. Kahit pa nga sabihin na kulang talaga ang nai-prisintang ebidensiya at may mabigat na dahilan ang hukuman para ipawalang-sala ang akusado, hindi pa rin mai-aalis na may mga taong magtaas ng kilay o magduda sa naging hatol kapag pabor sa akusado.

Tiyak na lulutang din ang katanungan kung bakit naging mabilis ang paglilitis ng korte laban sa akusado na inabot lamang ng mahigit dalawang buwan gayung ang ibang nahuhulihan ng maliit na halaga ng ilegal na droga ay taon na ang inaabot sa piitan ng hindi man lamang umuusad ang usapin sa hukuman.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.