Anak todas sa baril ng amang parak

Anak todas sa baril ng amang parak

January 26, 2023 @ 4:48 PM 2 months ago


Bulacan – Patay ang isang 12-anyos na batang lalaki na mahilig sa online games matapos aksidenteng mabaril ang kanyang sarili sa comfort room ng kanilang paaralan sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ni Bulacan Police director PCol. Relly Arnedo ang biktima na isang 12-anyos na batang lalaki, grade 6 student, residente ng Brgy. Muzon.

Sa report ng SJDM police, nangyari ang insidente bandang alas-5:40 ng umaga nitong Enero 26, sa comfort room ng elementary school sa naturang lugar.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, palihim na kinuha ng biktima sa kabinet ang isyung baril ng kanyang amang pulis na nakatalaga sa Camp Crame na isang Beretta at dinala sa kanilang paaralan.

Nalamang pinaglaruan ng biktima ang baril sa comfort room na aksidenteng pumutok at tumama sa kanyang baba hanggang sa tumagos sa kanyang ilong.

Dahil dito, agad dinala ng mga rumespondeng guro ang biktima sa hspital para sa paunang lunas.

Bandang ala-1:01 ng hapon ay binawian ng buhay ang kalunos-lunos na biktima habang nasa ICU ng Skyline Hospital.

Sinasabing ang biktima ay posibleng nabighani sa baril ng ama dahil sa lakas ng impluwensiya ng online games partikular ang counter strikes at mobile legend. Dick Mirasol III