Ancajas aminadong hindi uubra kay Martinez

Ancajas aminadong hindi uubra kay Martinez

October 13, 2022 @ 9:02 AM 2 months ago


MANILA – Kumbinsido si Jerwin Ancajas na hindi na siya karapat-dapat na manatili sa junior bantamweight division kasunod ng pagkatalo niya kay IBF champion Fernando Martinez sa kanilang rematch noong weekend.

Naniniwala si Ancajas na maganda ang kanyang conditioning at stamina sa laban, ngunit hindi niya ma-solve ang fighting style ni Martinez.

“Talo talaga tayo sa laban. Magaling talaga si Fernando. At sa style talaga ako hirap. Kuhang kuha niya ‘yung style ko at timing,” wika nito.

Ito ang dahilan kung bakit pinag-iisipan niyang umakyat sa 118-pound division sa susunod na laban niya.

“Siguro sa susunod, aakyat na kami. Itong laban na ito, kumbaga, ako talaga ang pumilit mag-rematch. Kahit si (MP Promotions chief) Sir Sean (Gibbons), pinipilit kami. Sabi nga ni coach, ‘wag ka nang bumalik sa 115 (pounds),” hirit pa nito.

Napansin din nila na hindi na kasing lakas ng suntok niya noong mga nakaraang taon nang lumaban siya sa 115 pounds.

Naniniwala siyang hindi na tumutugon nang maayos ang kanyang katawan sa pagbabawas ng timbang.

“Yung sinabi ni coach, hindi na epektibo ang lakas niya sa 115. ‘Yung condition ko sir, 100 pa kahit 12 round maganda pa suntok ko. ‘Yung hangin ko, nandoon pa. Pero yung lakas ko, wala,” ani Ancajas.

“Kung sakali mapagbigyan tayo ng magandang laban sa 118, sana maayos ang condition ko sa 118. Panigurado naman kami ni coach magpursige pa. Magpapalakas kami. Kailangan ng konting ensayo pa.”JC