Ancajas patutulugin si Rodriguez

Ancajas patutulugin si Rodriguez

April 8, 2021 @ 4:39 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

MANILA, Philippines — Sumailalim na sa quarantine protocols ang buong tropa ni International Boxing Federation (IBF) super flyweight Jerwin Ancajas matapos dumating sa Uncasville, Connecticut bilang paghahanda sa laban nito sa Linggo kontra kay Mexican challenger Jonathan Rodriguez na idaraos sa Mohegan Sun Arena.

Ayon sa ulat, mula sa Los Angeles, California, ay tumulak ang Team Ancajas sa Connec­ticut ng Martes (Miyerkoles sa Maynila) kasama sina trainer/manager Joven Jimenez at MP Promotions president Sean Gibbons.

Handa na si Ancajas para patulugin si Rodriguez.

Pagdating sa Connecticut, sumailalim ang lahat ng miyembro ng Team Ancajas sa swab testing para masiguro na negatibo ang lahat ng papasok sa bubble.

Mananatili sa kanilang hotel ang grupo habang hinihintay ang resulta ng swab test at sa oras na magne­gatibo ay maaari nang makalabas ng hotel ang grupo para makapag-ensayo.

Isiniwalat ni Gibbons na mas maluwag ang health protocols ngayon kumpara noong nasa kasagsagan ng coronvirus disease (COVID-19) pandemic noong nakaraang taon. 

Dapat lamang na parehong negatibo sa swab test ang dalawang boksingero. Sakaling may magpositibo sa sinomang mi­yembro ng team gaya ng coach, trainer o sparring partner na kasama sa de­legasyon, palalabasin lamang ito sa bubble at dadalhin sa quarantine facility pero tuloy pa rin ang laban. Rico Navarro


  •  
  •  
  •