ANG BAGONG P1K BILL (2)

ANG BAGONG P1K BILL (2)

July 19, 2022 @ 6:38 PM 4 weeks ago


IBIG sabihin ba nito, ang mga tao ngayon ay may kakayahan ng magpawalang-bisa ng mga pera? Kailangan lang gawin ay i-fold ang bagong P1K bill at hindi na ito magagamit pa at wala ng saysay?

Ang mas malala pa ay kung natupi mo ang bagong P1K bill ay maaari kang makasuhan at mapagmulta.

Ang lalabag sa mga ipinagbabawal ay may multang hindi hihigit sa P20,000 at makukulong ng hindi bababa sa 5 taon, ayon sa nabasa kong social media post na ang source ay ang BSP.

Ang tanong ko lamang dati ay kung bakit inalis ang mukha o ulo ng mga kinikilala nating bayani ng bansa kapalit ng ibon, subali’t ang katanungang iyon ay mas natabunan na ng mga bagong katanungan sa isip ko na paano kung hindi sinasadyang natupi o nalukot kahit maliit na bahagi o dulo o kanto ng nasabing bill?

Paano matutukoy para maparusahan ang isang tao na nakalabag gayong ang pera ay hindi pag-aari lamang ng isang tao dahil ito ay palipat-lipat at pasalin-salin lamang sa kamay ng nagbigay, nagbayad, tumanggap at binayaran?

Hindi na ba tatanggapin ng mga bangko o ng BSP mismo ang natuping P1K polymer bill? Kung may parusang kulong at multang bayad ay sino pang mangangahas o maglalakas-loob na isauli o sabihin ito sa bangko o BSP sa takot na siya ang pag-abutan at maparusahan?

Sabi nga ng ilan na nakausap ko, noong una imbes na ma-excite na makatanggap ng bagong P1K polymer bill ay napalitan na sila ng pangamba ngayon at tila ayaw na raw nilang makatanggap nito.

Doon na lamang umano sila sa lumang P1K na may tatlong ulo ng bayani o sa pa lima limang daan o paisa isang daan kahit makapal sa wallet ay maaari namang itupi.

Sayang nga naman ang bagong P1K polymer bill kung mawawalan ng saysay, paano kung limang piraso o sampung piraso o higit pa ang hawak mo nito na may bakas ng fold? E, di wala na? Ikaw ang kawawa? Sising alipin ka na. Hi hi hi.