ANG COA, BOW! 

ANG COA, BOW! 

August 31, 2021 @ 11:00 PM 10 months ago


TUNGKULIN nating lahat na mamamayan na bantayan ang ating inang bayan. Suriin at punahin ang mga mali sa lipunan at makibahagi kung kinakailangan. Hindi lang ito tungkulin ng Commission on Audit na napakaraming inilabas na umano’y maanomalyang paggugol ng ating mga salapi.

Atin naman talaga ang mga salapi, pera, pondo o budget na ginugugol ng pamahalaan, nanggagaling sa mga buwis ng bawat Juan sa Inang bayang Pilipinas. Tama rin naman na sabihing tinutupad lang ng COA ang kanilang mga tungkulin at tukuyin ang mga tila maling paggasta ng mga namamahala sa ating pamahalaan.

Ngunit kung ang mga punang ito ng COA ay gagamitin na bilang sandata upang lalong magkawatak-watak, lurayin at sirain mismo ang pamahalaan upang mapagtagumpayan lang ang matagal nang balak na agawin ang pamamahala, ay ibang usapan na.

Hindi ba’t sabi sa bibliya, ‘sino man ang walang sala, siya ang unang pumukol ng bato sa naakusahang nagkasala.’ Parang magandang pag-usapan ito, di po ba? Ganitong-ganito na ang takbo ng mga istratehiya ng mga komunistang-terorista sa bansa.

Ang Makabayan Bloc na tinatawag, binubuo ngayon ng limang partylist group sa Kongreso, na noong 2001 ay iisa pa lang. Bayan Muna ang sigaw at ipinangalan nila, kaya tatlong silya ang nakuha at tatlong representante ang naupo bilang mga kongresista (Satur Ocampo, Cris Beltran at Liza Maza). Sumunod na halalan ng 2004 si Beltran ay naging Anak Pawis na at si Maza ay naging Gabriela pa. Pawang partylist pa rin na tila talagang para kay Juan at Juana. Progresibo na ang kanilang linya dahil anim na rin ang kanilang mga kongresita (Bayan Muna-3, Anakpawis-2 at Gabriela-1).

Noong eleksiyon naman ng 2007 ay naging walo pa sila, naka dalawang silya na ang Gabriela at pumasok pa ang grupong Kabataan dahil sa nabago pa ang batas sa partylist hanggang pati ang ACT Teachers’ Party ay nakasama na.

Wala naman tayong nakitang maganda sa mga porma nila sa Kamara. Puro puna at paninira sa pamamahala, sino man ang namamahala. At ngayong ang COA ay nagsalita, nakisakay rin sila at nagtatawag pa ng pagiimbestiga sa mga naiulat na maling paggasta.

Kung babatayan natin ang kataga sa bibiliya, ito ang tanong ko sa kanila. Saan napunta ang pondo ng kanilang nirepresenta magmula nang sila ay tawaging mga kinatawan? Kinatawan ng ano? Hindi ba ng komunistang-terorista?

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!