ANG MAHALAGA NGAYONG PASKO

ANG MAHALAGA NGAYONG PASKO

December 19, 2022 @ 1:48 PM 1 month ago


NOONG isang gabi ang unang Christmas Party na dinaluhan ko nitong nakalipas na dalawang taon. May apat pa akong imbitasyon na nakapila. Simple pero masayang salu-salo na isang “Hapunan ng Pasasalamat” ng bagong public service media program ang host ng party. Pinagsaluhan namin sa isang Chinese restaurant ang masasarap na putahe ng mga nakahandang pagkain.

Intimate ang mga kwentuhan dahil magkakakilala ang mga imbitado na ‘excited’ maghuntahan at kumustahan. Maraming dapat ipagpasalamat at iyon ang pangunahing dahilan ng selebrasyon.

Salamat sa kalusugan at maayos na trabaho nitong nakaraang taon. Salamat na buo ang pamilya at nalampasan ang pandemya. Salamat sa blessings at mga magandang karanasan, kahit nasa gitna ng maraming mga isyu sa bansa.

Maraming dapat ipagpasalamat at napakabuting naalala iyon sa gitna nang pagsasama-sama ng mga magkakakaibigan sa isang gabi na magkasabay ninamnam ang sarap ng pagkain at sarap ng pakikisama.

Bukod sa pasasalamat ay nangako naman ang lahat na dadagdagan pa ang sipag at tiyaga para mas maging matagumpay at mabunga ang darating na taon. Sigurado, mas mabilis at malawak ang pagbangon ng bansa, kaya umaagos din ang pag-asa sa lamesa noong gabing iyon.

Sigurado ako, inuulit sa milyong mga bahay at opisina ang ganitong mga eksena. Marami tayong mga party at reunion na nakapila, dahil sabik tayong magbigay ng saya at magsaboy ng pagmamahal. Pwera pa nga sa masasarap na pagkain, ang kakaiba sa Pasko ay ang kagustuhan natin mandamay ng sarap na saya sa buong pamilya at sa mga kaibigan.

Tanggap na natin na mababawasan ang mga putahe at baka pati lasa ng handa natin. Ang hindi lang natin matanggap, parang hindi nararamdaman ng gobyerno natin ang hirap na dinadanas ng marami, lalo na ng mga mahihirap.

Pero hindi natin hahayaan ang sobrang taas ng mga bilihin lalo ng mga pagkain para mabawasan ang ningning ng Pasko. Hindi naman sentro ng Pasko ang mga materyal na bagay.

Pagsasama-sama at pagbabahagi ng saya, iyan ang mahalaga.