ANG NIA AY PARA SA BAYAN

ANG NIA AY PARA SA BAYAN

September 22, 2022 @ 2:25 PM 1 week ago


NAKAGUGULAT subalit   kahanga-hanga ang ginawang hakbang  ni National Irrigation Administration  administrator Benny D. Antiporda laban sa mismong mga abogado ng nasabing ahensiya.
Hiniling ni Antiporda sa Office of the Ombudsman  na imbestigahan at sampahan ng mga kaukulang kasong kriminal at administratibo ang dalawang abogado nito kaugnay ng pagkatalo ng ahensiya sa isang kaso ukol sa isang proyekto na nagkakahalaga ng P205 milyon. 
Ang pinakakasuhan ay sina Lloyd Allain A. Cudal at Mary Annabelle F. Cruz-Domingo. Si Cudal ang acting manager ng Legal Services, habang si Cruz-Domingo ang humahawak sa kaso.
Ayon kay Antiporda, natalo ang NIA sa kaso laban sa Green Asia Construction Development Corporation kaya inaatasan ng Construction Industry Arbitration Commission ang ahensiya na magbayad ng P205,958,119.77.
Tatamad-tamad, tutulog-tulog sa pansitan o sa madaling sabi, eengot-engot ang mga abogado kaya sila natalo.
Higit pa rito ang hinala ni Antiporda kung bakit natalo ang ahensiya sa kaso.
Mukhang may anomalya at sabwatan dahil limpak-limpak at hindi birong halaga ng salaping bayan ang sangkot.
Dahil dito, sinabi ni Antiporda na marami pa silang kakasuhan sa susunod na kabanata kaya atin itong aabangan. 
Aba’y bibihira ang mga ganitong pangyayari mga suki. 
Ipinakikita lang ni Antiporda na seryoso siya sa kanyang trabaho sa NIA. Totoo siya sa kanyang kampanya na ibigay ang serbisyo ng NIA sa bayan at sa mga magsasaka na nangangailangan ng patubig tungo sa masaganang ani.
Wala pa akong nababalitaang pinuno ng ahensiya na kinasuhan ang kanyang mga abogado.
Kadalasan nga sa ilang ahensiya ng gobyerno, ang mga pinuno at mga abogado ay sila pang nagsasabwatan para makapagbulsa ng pera ng bayan. 
Kung nagawa ni  Antiporda na kasuhan ang mga abogado mismo ng NIA dahil sa katiwalian, katamaran o katangahan, malamang ay hindi rin siya mangiming sampahan ng kaso maging ang mga simpleng kawani na masasangkot sa anomang kabulastugan. 
Mag-ingat-ingat at magsipagtino na kayo.
Kesehodang anak pa kayo ng kung sinong makapangyarihan, hindi niya kayo sasantuhin.
Hindi nagkamali si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa pagpili kay Antiporda na maging pinuno ng NIA na matagal ding inabuso ng mga korap para linisin ito sa mga tiwali at batugan.
Kaya noong katatalaga pa lang, ginawa ni Antiporda ang #NIAparasabayan.
Sa kanyang mga talumpati, palagi niyang ipinaaalala sa kanyang mga kawani na panahon na para paglingkuran nang totoo ang sambayanang Pilipino.
At ngayon, may totoong serbisyo na talagang maaasahan ang mga magsasaka at ang bayan mula sa NIA.
Isang pagsaludo sa iyo, sir!