ANG ORDINASYON NI FR. PERIDO

ANG ORDINASYON NI FR. PERIDO

June 16, 2022 @ 4:57 PM 2 weeks ago


Isang mapagpalang araw para sa akin ang ako ay maanyayahan ng aking mabait na kaibigan na si Indang Municipal COMELEC Officer Mam Alice Sangalang Jimeno Timbol, kasama ang kanyang mga mababait ding staff na sina Sir Renz Robin De Lima, Mam Jomira Hazen Rojas, Sir Sherwin Rodenas, Sir Jomel Lontoc at Mam Malou Rufin sa ginanap na Presbyteral Ordination ni Rev. Niño Rey A. Perido, CRS noong Sabado, Hunyo 11, 2022 sa Saint Gregory the Great Parish sa Indang, Cavite.

Si Rev. Fr. Niño Rey A. Perido, CRS ay tubong Brgy. Buna Lejos sa Indang, Cavite. Isinilang siya noong Marso 31, 1991 at magulang niya sina Gng. Teresita Tepora Adduru at G. Rolando Villa Perido. Panganay siya sa anim na magkakapatid at edad 31.

Sa Buna Lejos Elementary School siya nag-aral ng elementarya at sa Perpetual Cavite Institute naman ng sekondarya (parehong sa Indang, Cavite) hanggang sa makaramdam siya ng tawag ng Panginoong Diyos at nagpasyang pumasok ng seminaryo sa kongregasyon ng Somascan Fathers Minor Seminary sa Lubao, Pampanga sa kursong AB English at nakapagtapos noong 2011.

Noong 2015 naman, nakapagtapos siya ng AB Philosophy sa La Salette Seminary sa Silang, Cavite at nakapagtapos ng Theo­logy sa Divine Word Seminary sa Tagaytay City noong 2021. Matapos ang 15 taon, isa na siyang ganap na Pari.

Ano nga ba ang nag-udyok sa kanya para maging Pari?

Ayon kay Fr. Niño, “May nag- vocation promotion sa school na Somascan Brother na Pari na rin ngayon. Ipinakilala niya si St. Je­rome Emiliani, naging interesado ako. Pinadalhan nila ako ng sulat tapos nag-exam ako at nakapasa naman kaya nakapasok ako ng seminaryo.”

Ngayong ganap nang Pari si Fr. Niño, saan kaya siya magse-serve, sa seminaryo o sa parokya? “Sa Aemilianum College sa Sorsogon City ako naka-assign, magtuturo ako sa school na iyon,”  ayon kay Fr. Niño.

Pinangunahan ng Bishop ng Diocese of Imus, His Excellency Most Rev. Reynaldo G. Evangelista, DD ang Presbyteral Ordination kay Rev. Fr. Perido at naging panauhin din ang ilang lingkod-bayan ng Indang, Cavite kagaya nina Mayor Perfecto “Pecto” Fidel, Vice Mayor Ismael “Sammy” Rodil at Indang Municipal CO­MELEC Officer Alice Sangalang Jimeno Timbol.

Si Gng. Timbol ay kilalang malapit sa mga Somascan at palaging laman ng simbahan dahil isa siyang maka-Diyos. Maraming beses din na tumutulong si Mam Alice sa mga estudyante at scholars ng Somascan na nagnanais maging Pari at isa na nga si Fr. Niño sa mga natulungan niya.

Samantala, matapos ang ordinasyon kay Fr. Niño ay nagkaroon ng salo-salong piging ang lahat ng mga nagsidalo at sumaksi sa ordinasyon na ginanap sa School Gymnasium ng Saint Gregory Academy (SGA).

Matapos ang ordinasyon,  kaagad siyang nagsagawa ng Thanksgiving Mass para sambayanang Indangeño at pagpapasalamat sa lahat ng sumuporta at kina Kuya Teddy Hernando at Ate Rosalinda Hernando.