ANG SAFE PATHWAYS ACT

ANG SAFE PATHWAYS ACT

September 10, 2022 @ 4:26 PM 4 weeks ago


INIHAYAG ni Sen. Christopher “Bong” Go ang kanyang suporta sa Senate Bill No. 1290, mas kilala bilang “Safe Pathways Act”, na ang may akda ay si Sen. Pia Cayetano para sa pagtatalaga ng mga ligtas na bicycle lanes, walkways at slow streets sa buong bansa.

Sinabi ni Go, hangad niyang maging co-author ng isinusulong na panukala ni Cayetano na sadyang napapanahon na para maging ganap na batas.

Bilang tagapangulo ng Senate committee on health, layon ni Go na maitaguyod ang isang healthy at environment-friendly mode ng transportasyon.

Kung ang marami ay gagamit na lamang ng bisikleta sa kanilang paroroonan, hindi lamang mababawasan ang trapiko kundi mababawasan pa ang polusyon na dulot ng usok ng mga sasakyan.

“Kailangan nating isipin kung paano makatutulong sa ating lifestyle at kalusugan ang paggamit ng bisikleta.

Mabibigyan tayo ng pagkakataong makapag-exercise at syempre, makatulong sa ating kapaligiran,” paliwanag ni Go.

Kaya naman hindi tumitigil si Go sa paghimok sa mga Pilipino na magbisikleta kaysa gumamit ng kotse dahil na rin sa malaking kabutihang maidudulot nito sa kapaligiran lalo na sa kalusugan ng ating katawan.

Palaging may dala-dalang bisikleta ang senador saan man siya magpunta para ipinamimigay, kasabay ng iba pang ayuda sa mga residenteng apektado ng pandemya at biktima ng sunog o iba pang natural na kalamidad.

Napalaking tipid aniya sa pamasahe ang pagbibisikleta at isang alternatibong transportasyon para sa mga may sasakyang buwisit na buwisit na sa patuloy na paglobo ng presyo ng langis sa bansa.

Kapag naisabatas, magkakaroon na ng imprastraktura o maayos na sariling daanan ang bisikleta para matiyak na ang mga siklista ay ligtas papunta sa kanilang patutunguhan.

Hindi lang yan, magkakaroon na rin ng tamang lakaran ang mga tao sa kalsada.

‘Iyon bang kapag naglalakad ay hindi na makikipagpatintero sa mga sasakyan sapagkat may tamang lugar para sa naglalakad.

Alam n’yo naman, lalo na sa Metro Manila, ang mga walkway o lakaran ng tao ay sinakop na ng sidewalk vendors kaya ang siste, sa kalsada na tayo naglalakad na sadyang napakapeligroso.

Bukod sa mga vendor, karamihan ng walkway at mga bangketa ay ginagawa na ring parking lot ng mga may sasakyan.