ANG SALMON AT ANG PAMPANO, BOW!

ANG SALMON AT ANG PAMPANO, BOW!

December 5, 2022 @ 8:40 PM 2 months ago


KUNG hindi pa nagbanta ang ilang senador na iimbestigahan nila ang reklamo ng ating mga kababayan, tuloy sana ang pag-ban ng mga imported na isda kabilang na ang Salmon at Pampano sa ating mga palengke.

Iniutos kasi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang pagkumpiska ng Pampano at Salmon sa mga palengke, dahil bawal ito, ayon sa Fisheries Admin Order 195.

Hindi raw pwedeng ibenta sa mga pampublikong palengke ang mga nasabing isda dahil para lamang ito sa mga institutional buyer tulad ng mga restaurant, hotel at mga kompanyang nasa linya ng canning at processing industries.

Malinaw na “anti-poor” at may diskriminasyon ang utos na ito ng BFAR, ayon kay Senador Raffy Tulfo.
Hindi naman yata talaga makatarungan na hindi na ako pwedeng bumili ng Pampano at Salmon sa palengke.

Aba’y, kahit papaano naisisingit ko pa rin sa budget ang pagbili nito dahil paborito ng aking pamilya.

Seryosong usapin ang pagkain ng isda para sa ating mga Pilipino, dahil dito natin kinukuha ang malaking bahagi ng ating protina.

Kaya nga popular ang pagkain ng Galunggong, Bangus, Tilapya at iba pa.

Kahit na may kataasan ang presyo ng mga Salmon at Pampano, mabenta pa rin ito sa mga palengke at kinakaya ito ng budget ng ilan nating mga kababayan dahil sa sarap at sustansya nito.

Hindi lang naman siguro pagkaing pangmayaman ang mga isdang ito.

Nagbanta tuloy si Sen. Cynthia Villar, chairperson ng Senate Committee on Agriculture, na magpapaimbestiga siya sa Senado para linawin ang isyung ito, na sinuportahan naman nina Sen. Koko Pimentel at Sen. Grace Poe.

Bagama’t gusto nga natin na umunlad ang industriya ng pangisdaan at kumita naman ang mga mangingisda, hindi yata patas na tayong mga konsyumer ang talo sa sitwasyon na pagkakaitan na makakain ng masarap na mga uri ng isda.