ANG SINUWERTENG SANVICENTE

ANG SINUWERTENG SANVICENTE

June 22, 2022 @ 8:47 PM 5 days ago


Klaro nating ilatag ito. Ang misteryosong driver ng puting Toyota RAV-4 na bumangga at naging dahilan para mapahiga sa kalye ang isang security guard, ‘tsaka walang awang sumagasa rito, tumakas, at 10 araw na nagtago kasama ang sasakyan habang pinaghahanap ng mga awtoridad; hanggang sa sumipot siya sa Phi­lippine National Police (PNP) Headquarters sa Camp Crame kasama ang kanyang abogado, ama at ina, ihinarap sa ma­tataas na opisyal ng PNP at sa media, isinuko ang kanyang sasakyan, at sa huli ay walang anomang naging pana­nagutan.

Samantala, ang kanyang biktima ay hirap pa ring luma­kad, namamaga at kumikirot pa rin ang mga panloob na bahagi ng katawan dahil sa matinding pinsala tinamo.

Kaya naman hindi masisisi ang galit ng publiko.

Sa opinyon ng propesor sa criminal law na si Ted Te, sinabi niyang maaaring arestuhin kaagad ang driver kahit walang warrant kung ang pagba­basehan ay ang pagtugis dito para papanagutin sa ginawa. Kahit maging ang mga nasa PNP, ang mga imbestigador at operation agent, ay nagsasa­bing madalas nilang gawin iyon kapag positibong natukoy ang suspek.

Pero kung isasantabi ang regularity, ang kasong frustra­ted murder at paglabag sa Article 275 (2) – abandonment of persons in danger at abandonment of one’s own victim – ay naihain sa Mandaluyong City Police bago pa ginawa ang kontrobersyal na pagharap ng suspek na si Jose Antonio Sanvicente sa PNP press briefing kaya “technically,” kung hindi pa natutukoy ang probable cause at wala pang warrant mula sa korte, hindi maaa­ring magsagawa ng ligal na pag-aresto.

Ang tanong ko naman kay Lt. Gen. Vicente Danao, Jr.: “Ano ang ibig sabihin na ang pinakamataas na opisyal ng PNP ay nakipagkumustahan sa isang hit-and-run suspect at sa pamilya nito?” Nagbigay ito ng lahat ng maling impresyon at senyales sa katotohanang ligal na bagamat ang lalaking iyon ang hindi pinapangalanang suspek na tinugis ng pulisya sa nakalipas na 10 araw, wala pa rin silang magagawa upang ikulong ito.

Puwede namang iutos ni Danao sa tagapagsalita niyang Col. Jean Fajardo na itanggi ang anomang kaugnayan niya sa pamilya Sanvicente, kaya bakit kinailangan pa niyang la­pitan ang mga ito?

Kung ako ang biktimang security guard na si Christian Joseph Floralde, makakaramdam ako ng awa sa aking sarili, sa gitna na rin ng matinding pisikal na kirot na aking iniinda. Aba, ang OIC ng pambansang pulisya ay nakipagtapikan ng balikat, nakipagbulungan, at nagpamano pa sa ina ng taong muntik nang makapatay sa akin!                      (ITUTULOY)