Ang survey, billboard at tarpaulin ni Bong Go

Ang survey, billboard at tarpaulin ni Bong Go

July 17, 2018 @ 7:42 AM 5 years ago


 

Mayroon pa bang hindi pamilyar o nakakikilala kay Secretary Bong Go?

Kalokohan na hindi siya makilala ng mara­ming Filipino, sa loob at labas man ng bansa, dahil siya ang dakilang kanang kamay ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte. Special Assistant to the President (SAP) siya, ika nga.

Saan man magpunta ang Pangulo, siya palagi ang nasa tabi.  Kaya sa video footage o may kuha ang media ng la­rawan ng Pangulo, hagip lagi siya.

Kung saan may nasunugan, agad-agad e naroon siya para magbigay ng ayuda. Pera, gamit, sapatos, groce­ries…name it, tiyak na may bitbit siya.

Kaya iniisip ng mga kritiko ng administrasyong Duterte na nangangampanya na siya para sa ambisyong maging senador sa susu­nod na taon.

Ngunit ilang beses nang sinabi ni Bong Go na hindi gayon ang kanyang pakay. Wala pa siyang ambisyon sa pulitika.

Ang nais lang daw niya ay makatulong sa mga nangangailangan ‘pagkat trabaho niya ito bilang alter ego ng Pangulo.

Kaya naman maraming kaibigan…mayayamang kaibigan si Bong Go na suportado ang kanyang ginagawa. Sila-sila ang nagtutulong-tulong sa gawaing pamamahagi ng tulong ng kanilang kaibi­gan.

Pero minamasama ito ng mga taong walang magawa sa buhay. Hindi na nga nakatutulong sa kapwa, naninira at nang-iintriga pa. Marami na ang naiinggit sa kanya. Marami na ang nati-threaten.

Sa totoo lang ay malakas na contender si Bong Go sa senatorial race.  Kaya naman ngayon pa lang ay winawakwak na siya.

Una, tila nais na si­yang ilaglag sa mga survey pa lamang. Ikinokondisyon na ang isip ng taumbayan na wala siyang kapana-pa­nalo.

Pero sabi nga, ang survey ay depende kung sino ang nagkomisyon. Kung sino ang nagbayad o gumastos. Dahil daw baka hindi pa kilala si Bong Go ng mga tao kaya kulelat siya. Imposible!

Pangalawa, sa mga kumakalat na billboard o tarpaulins na may panga­lan at mukha niya ay may kaaliwaswasan na. Wa­ring may mga nananadya na.

Hindi na ito gawa ng kanyang mga tagasuporta dahil sobrang “OA” gaya nga ng higanteng billboard sa NLEX.

Ang biilboard sa NLEX at mga tarpaulin sa unang tingin, aakalaing papogi sa kanya pero ‘yun  pala’y gusto lang siyang “ikanal.”

Ayon kay Bong Go, matagal na at paulit-ulit na niyang sinabihan ang mga taong tumutulong sa kanya na imbes ipagpagawa siya ng tarpaulins na may mukha niya, ibili na lang ang pera ng mga kahoy at yero para sa mga pa­milyang nasunugan.

Ibig sabihin kung ga­yon, may ibang grupo o nagpapanggap na supporters niya na gumagastos upang siya ay siraan lamang.

Nangangahulugan na kung winawasak na siya bago pa ang halalan, iyo’y dahil sobrang epektibo ang mga ginagawa niya sa kapwa na pawang kabutihan.

Alam kasi ng mga kritiko at kalaban na may magandang kalalagyan si Bong Go kapag tumakbo sa Senado.

Kaya ‘yang mga survey na nagsasabing kulelat siya, ang billboard at tarpaulins na kumakalat, alam na natin ang ibig sabihin n’yan.

-SA KANTO’T SULOK NI TABOY