BATID nating lahat na isang milagro na lamang ang sagot sa bangungot na trapik sa Metro Manila. Aba’y sa rami ba naman ng pasaway at kamoteng driver, sasakit talaga ang ulo mo sa lansangan.
Sa totoo lang naman talaga, ang lahat ng motorista ay naging masunurin noong may No Contact Apprehension Program (NCAP) ng MMDA, LTO, at ibang LGU.
May datos na nagpapatunay sa pagiging epektibo ng NCAP. Bumaba ang mga traffic violation sa Parañaque, Quezon City, Maynila, at Valenzuela. Mula 75% hanggang 95% ang ibinaba ng violations sa mga siyudad na ito.
Ngunit heto nga, hindi nagtagal ay nag-issue ng TRO ang Supreme Court laban sa NCAP dahil sa dalawang reklamo laban dito.
Ang una ay mula sa transport groups na nagsabing ginagamit daw ang NCAP upang makapangikil ang mga awtoridad sa hanay ng motorista. Hindi rin daw makatarungan ang penalties sa ilalim ng NCAP.
Hindi maunawaan ng ilan ang mga argumentong ito. Ang sabi ng ilan, nangyayari nga ang kotong kapag may traffic enforcer. Paano raw makakapangotong ang automated na panghuhuli?
‘Di ba nga’t mas magandang maging mabagsik ang parusa sa traffic violations para sundin ito ng lahat?
Masyado lang nasanay ang “mga hari ng kalsada” na hindi naparurusahan sa pag-counterflow, pagtigil sa gitna ng kalsada, at hindi pagsunod sa traffic lights.
Ang isa pang legal challenge laban sa NCAP ay mula sa isang abogado na nagsabing wala raw due process na nangyari dahil hindi siya nasabihan sa kanyang violations. Nakompromiso raw ang kaniyang right to privacy dahil madaling makita ang data ng violator sa internet.
Maraming motorista na nakapansin na epektibo ang no contact policy sa mga lugar gaya ng Subic. Walang enforcers pero lahat ay sumusunod sa batas-trapiko. Gayundin sa ilang bahagi ng Skyway 3 kung saan 60kph ang speed limit. Alam ng motorista na may CCTV kaya tila may prusisyon sa parte na ‘yun ng Skyway.
Si Pangulong Bongbong Marcos mismo ay nagsabi sa kanyang SONA na dapat damihan ng LGUs ang mga joint ventures at PPPs sa kani-kanilang nasasakupan.
Dahil sa TRO sa NCAP, asahan ang patuloy na kotong sa kalsada. Tuloy rin ang ligaya, lalo’t ayaw ng mga motorista na ma-hassle sa huli. Maglalagay na lang sila kaysa matiketan.