ANG TWO CENTS’ WORTH NI CONG. TEVES

ANG TWO CENTS’ WORTH NI CONG. TEVES

March 9, 2023 @ 12:20 PM 3 weeks ago


HINDI na nakagugulat na naglahad si Congressman Arnie Teves ng kanyang “two cents’ worth” na opinyon kaugnay ng karumal-dumal na pag-atake kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo na ikinasawi nito at ng iba pang kasama niyang lingkod-bayan nitong Sabado.

Narito ang mga dahilan ng kanyang pagre-react: Una, ang nakapanghihilakbot na krimen ay nangyari sa kanyang probinsya; pangalawa, ang kapatid niya, ang dating gobernador na si Pryde Henry Teves, ang naging matinding karibal ni Degamo sa pagkagobernador; at pangatlo, ganyan na talaga si Cong. Arnie — “Mr. Sawsaw,” “Mr. Ridiculous,” o “Mr. Mema,” pili na lang kayo.

Gayunman, kani-kaniyang batikos sa kanya ang netizens na hindi pamilyar sa mga kakatwang pananaw ni Rep. Teves.

Nang sabihing naniniwala siya na kakilala ng mga aso ni Degamo ang mga suspek dahil hindi kinahulan ang mga ito, ikinumpara ng mga netizen ang karunungan ng kongresista sa isang asong walang alam.

Well, kadalasan namang kapag ipinangangalandakan ni Teves ang kanyang mga ideya, literal na iyon lang talaga ang mapapala sa kanya: ideya na halagang dalawang sentimos lang.

Nangangamba si Teves

Upang mas maintindihan si  Teves, kailangang unawaing mabuti ang mga kakatwa niyang sinasabi na nagkukubli sa tunay na laman ng kanyang isip. Sa halip, pakaintindihing maigi ang konteksto ng kanyang mga pahayag.

Halimbawa, binigyang-diin ni Rep. Teves na ang kapatid niyang si Pryde Henry — na pinatalsik sa puwesto ni Degamo noong Oktubre — ay walang anomang mapapala sa pagkamatay ng gobernador. Ang ibig niyang sabihin: walang kinalaman sa politika ang pamamaslang.

Binanggit niya kung paanong ipinag-utos ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, ilang buwan na ang nakalipas, na bawiin ang lisensiya ng kanyang mga baril. Ang gusto niyang sabihin: hindi naaarmasan ang pamilya Teves kaya wala itong kakayahang depensahan ang sarili, lalo na ang magsagawa ng aktuwal na armadong pag-atake.

Gayunman, inamin din niyang marami pa siyang mga armas na isusuko sa mga awtoridad, ‘tsaka diretsahang ipinarating kay President Bongbong Marcos ang kanyang pinangangambahan, umapela sa pinakamakapangyarihang tao sa bansa na bigyang proteksiyon ang kanyang pamilya. Isa iyong pagtatangkang disarmahan si Mr. Marcos, na itinuturing na kaibigan at kaalyadong politikal ni Degamo, at inilagay sa alanganin ang Presidente bilang dapat sisihin sakaling may masamang nangyari sa sinomang miyembro ng pamilya Teves.

Hiniling din ni Teves na maibalik ang mga lisensiya ng kanyang mga baril at isauli ang kanyang mga armas, kasabay ng pangakong si “Arnie ay hindi iyong tipong gagawa ng masama laban sa gobyerno.”

Pupuwede iyong tanggapin bilang isang non-verbal declaration na kung mayroon siyang mga armas, handa siyang makipaglaban para manatiling buhay, o mamatay dahil sa baril.

Gayunman, sino bang may pakialam kung anoman ang sasabihin o hindi sasabihin ni Teves?

Ang dapat nating pangambahan ay ang pagpatay kay Degamo at sa iba pang mga halal na opisyal. Hinihiling naman natin na sa lalong madaling panahon ay mabigyang hustisya ang mga nangangailangan nito.

Bagong PCL chairman

Samantala, binabati natin si Councilor Atty. Raul Corro na nakatakdang manumpa sa harap ni Pangulong Marcos bilang duly elected chairman ng Philippine Councilors League ngayong araw na ito.

Isang munting trivia: Ang pumanaw na kapatid ni Raul na si Rommel ay nakulong sa ilalim ng administrasyon ng ama ni BBM, matapos nitong isulat ang tungkol sa pamamaslang kay Ninoy Aquino sa anggulong kritikal sa administrasyon. Noong mga panahong iyon, si Rommel ang editor ng wala na ngayong Philippine Times.

Si Raul, para sa akin, ay isang kapatid, dahil naging classmate ko siya sa UST Journalism Batch 1983. Naging presidente rin siya ng Journalism Society, na kilala bilang Samahang Tomasino sa Pamamahayag  noong mga panahong college seniors kami.

*        *        *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.