Angara, Villanueva: Plano, programa, malinaw na nailatag sa SONA

Angara, Villanueva: Plano, programa, malinaw na nailatag sa SONA

July 26, 2022 @ 8:15 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Kapwa nagpahayag ng magkatulad na pananaw sina Senador Edgardo “Sonny” Angara at Senate Majority Leader Joel Villanueva sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nakapaglatag ng malinaw na direksiyon ng administrasyon upang tugunan ang epekto ng pandemya at krisis sa ekonomiya.

Sa magkakahiwalay na pahayag, sinabi ni Angara  na “malinaw  na nailatag ng Pangulong BBM ang kanyang mga nais maisakatuparan sa susunod na mga buwan at taon.

“Mahaba-haba ang listahan ng ating Pangulo at ito’y susuportahan at pagkakaisahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso, lalo na ang mga nabanggit at plano niya para sa sektor ng agrikultura, kalusugan, turismo, enerhiya, imprastraktura, edukasyon at marami pang iba,” ayon kay Angara.

Aniya, matatayog at paniguradong hindi lakad sa parke ang mga ito kaya klaro niyang hinihiling ang mataas na pamantayan sa pagseserbisyo.

“Subalit buo ang pananalig at tiwala ko sa mga kasamahan ko sa Kongresong ito. Ika nga sa isang kasabihan, taasan mo na ang iyong pangarap na marating ang buwan. Hindi ka man umabot, ika’y malalaglag kapiling pa rin ang mga bituin,” ayon kay Angara.

Para naman kay Villanueva, umaasa ang bagong halal na Senate majority leader na pupulungin ni Marcos ang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) upang ilatag ang 19 panukalang batas na kailangan maipasa.

“We’re looking forward to the LEDAC being convened soon so that we can take up the 19 pieces of legislation that the president has laid out in his speech,”ani Villanueva.

Sinabi ni Villanueva na bilang bagong-hirang na Senate Majority Leader, ang mga panukalang batas na ito ang pagtutuunan ng pansin at prayoridad. “Malinaw po na ang kanyang mga panukalang batas at mga plano ay nakabatay sa karanasan at leksyon sa mga krisis ng pandemya, ekonomiya, enerhiya, at edukasyon. Ito po ang nagbibigay ng sense of urgency sa mga panukala.”

“Para po sa atin, maaari nating mahinuha ang mga oportunidad na lumikha ng trabaho mula sa mga plano ng administrasyon para sa digital technology, agrikultura at imprastraktura. Makikita rin po natin ang labor policy mula sa mga priority legislation na pagtatag ng medical reserve corps, at suporta para sa mga MSMEs,” ayon kay Villanueva.

“Kaisa rin po natin ang pangulo sa pagbigay ng atensyon sa kapakanan ng mga OFWs sa pamamagitan ng bagong-tatag na Department of Migrant Workers. Maasahan po tayo ng administrasyon na tututukan natin ang transition ng DMW,” giit pa ng dating TESDA chief.

“Isa rin po sa mga pag-aaralan natin ang policy of fiscal discipline at taxation proposals ng administrasyon dahil susi ang mga ito sa pagtustos ng mga programa na inilatag ni Presidente Marcos. Maaari rin po tayong magkaroon ng evaluation ng ating kasalukuyang tax collection upang siguruhin na maayos at epektibo ang ating pangongolekta ng tamang buwis. Kailangan din po nating balansihin ang pangangailangan ng gobyerno na lumikom ng pondo, at ang interes ng mga apektadong sektor,” patapos ng senador. Ernie Reyes