Angkas driver todas sa trailer truck sa Navotas

Angkas driver todas sa trailer truck sa Navotas

November 22, 2022 @ 12:22 PM 5 days ago


MANILA, Philippines – Patay ang isang 28-anyos na binatang “Angkas” driver matapos pumailalim sa dambuhalang trailer truck kung saan dalawang oras bago ito nakuha sa ilalim makaraan ang malagim na insidenteng naganap sa Navotas City, Lunes ng gabi.

Kaagad na dinala sa isang punerarya ang bangkay ng biktimang si Jade Matthew Diez, residente ng Brgy. NBBS-Proper sa naturang lungsod, matapos makuha ang kanyang katawan sa ilalim ng trailer truck na minamaneho ni Rafael Vitug, 40, ng 2150 Velasquez St Tondo, Manila, dakong alas-8:45 ng gabi, dalawang oras makaraan ang naganap na aksidente.

Sa imbestigasyon ni Navotas police traffic investigator P/Cpl. Florencio Nalus, tinatahak ng biktima, sakay ng kanyang motorsiklong nakarehistro sa isang Juan Paolo Enriquez ang kahabaan ng C-3 Road patungo sa gawi ng Caloocan City nang maganap ang insidente dakong alas-6:45 ng gabi.

Minamaniobra umano ni Vitug ang trailer truck papasok sa kanilang garahe sa tapat ng isang gasoline station sa C-3 Road, Brgy. NBBS-Proper nang mahagip ng kaliwang bahagi ng truck ang motorsiklong minamaneho ng biktima na nagresulta upang tumalsik at mapailalim siya sa mga gulong ng dambuhalang sasakyan.

Nadakip naman ng mga nagrespondeng tauhan ng Navotas police ang driver ng trailer truck na ngayon ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide habang iniutos ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging ang pagpapa-impound sa tractor head at nawasak na motorsiklo. Boysan Buenaventura