Angkas overcharge inireklamo sa LTO

Angkas overcharge inireklamo sa LTO

January 11, 2023 @ 5:14 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Naghain ng reklamo sa Land Transportation Office (LTO) ang isang grupo ng mga pasahero laban sa Angkas dahil sa kabiguan nitong mapigilan ang mga abusado nitong driver sa pag-overcharge sa customers, lalo noong Kapaskuhan.

Mismong si Land Transportation Office chief Jose Arturo Tugade ang tumanggap ng inihaing reklamo ng Coalition of Filipino Commuters laban sa Angkas.

Ayon sa Coalition of Filipino Commuters (CFC), ang paggamit sa holidays o rush hours o kabigatan sa sitwasyon ng trapiko para makapanaga ng singil sa commuting public ay hindi katanggap-tanggap kung kaya nananawagan sila na itigil ang masamang kalarakang ito.

Si veteran broadcaster Ira Panganiban ang tumatayong CFC national convenor.
Binigyang-diin ng CFC na may fare matrices naman na naaprubahan ang LTO at ito dapat ang siyang sinusunod.

Subalit binalewala ito ng mga Angkas drivers at noong buong Kapaskuhan ay ino-off ang kanilang apps para makapangontrata at makapaningil ng napakamahal sa mga pasahero.

Para mapanagot ang Angkas, naghain ang CFC ng reklamo dahil sa paulit-ulit na paglabag sa basehang fare matrix na ipinatutupad ng motorcycle taxi technical working group.

Ang mga naturang paglabag, anang grupo, ay hindi lamang pandaraya sa mga mananakay kundi naglalagay rin sa peligro sa buong ride hailing industry at sa motorcycle taxi pilot.

Sinabi ng CFC na bagama’t suportado nito ang motorcycle taxi bilang isang paraan ng pampublikong transportasyon, ipinapaalala nila sa transportation network companies, tulad ng Angkas, na isaalang-alang ang kapakanan ng Pinoy commuters kaysa ang pagkamal ng kita. Jan Sinocruz