Angkas riders, nag-kilos protesta sa Mendiola; Humingi ng tulong kay PDU30

Angkas riders, nag-kilos protesta sa Mendiola; Humingi ng tulong kay PDU30

December 27, 2019 @ 4:30 PM 3 years ago


Manila, Philippines – Dinala ng libo-libong Angkas riders ang panibago nilang kilos-protesta sa Mendiola laban pa rin sa deactivation plan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa prangkisa ng 17,000 riders ng ride-hailing app.

Humingi sila ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte na gumitna sa usapin upang hindi mawalan ng trabaho ang libo-libong riders nito.

Giit nila, huwag sanang hayaan ng pangulo na magkaroon ng pagkakataon na bumalik sa gawaing iligal ang mga rider kapag natuloy ang deactivation plan.

Sa utos ng LTFRB, ibababa na lamang sa 10,000 ang bilang ng riders sa Metro Manila habang 3,000 naman ang sa Metro Cebu.

Pinuna rin nila ang desisyon ng LTFRB kamakailang bigyan ng daan ang dalawang bagong competitors ng Angkas na JoyRide at Move It kasabay ng pagpapalawig ng pilot run ng ride-hailing app.

Nagkilos-protesta na rin kamakailan ang Angkas nang matanggap ang ibinabang desisyon ng LTFRB.

Batay naman sa datos ng kumpanya, nasa 27,000 ang kabuuang bilang ng mga Angkas riders na nagbibigay serbisyo hindi lang sa Metro Manila kundi pari sa ibang bahagi ng bansa. Remate News Team|MM