Angkas todas sa trailer truck, rider sugatan

Angkas todas sa trailer truck, rider sugatan

May 30, 2022 @ 10:30 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Patay ang isang 51-anyos na back-rider habang sugatan naman ang nagmamaneho ng kanilang motorsiklo matapos mabangga ng isang trailer truck sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Agad binawian ng buhay si Ariel Macaraeg, machine operator, at residente ng 44 Prelaya St. Brgy. Tugatog sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan habang ang kanyang kapitbahay na si Jonas Adelino, 55, driver ng Rusi motorcycle na may plakang 212QZR ay inoobserbahan sa Valenzeula Medical Center sanhi ng tinamong mga sugat sa katawan.

Sa kanyang report kay Malabon police chief P/Col Albert Barot, sinabi ni traffic police investigator P/SSgt. Baltazar Gallangi, tinatahak ng mga biktima ang kahabaan ng M.H. Del Pilar St. dakong alas-11:50 ng gabi patungong Brgy. Maysilo nang mabangga ang likuran ng kanilang motorsiklo ng isang trailer truck (THQ450) na minamaneho ni John Mark Degino, 23, residente ng Mabolo St. Brgy. Maysilo.

Sa lakas ng impact, tumilapon si Macaraeg hanggang sa magulungan ng trailer truck na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan habang isinugod naman si Adelino sa naturang pagamutan.

Kasong reckless imprudence resulting to homicide, physical injury and damage to property ang isinampa ng pulisya kontra sa trailer truck driver sa Malabon City Prosecutor’s Office. Boysan Buenaventura