Anibersaryo ng Yolanda gunitain nang may pag-asa, pagkakaisa – Obispo

Anibersaryo ng Yolanda gunitain nang may pag-asa, pagkakaisa – Obispo

November 7, 2022 @ 7:43 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Gunitain ang ika-siyam na anibersaryo ng pananalasa ng super typhoon Yolanda na may buong pag-asa at pagkakaisa, ito ang bahagi ng liham sirkular ni Borongan Bishop Crispin Varquez ng Diocese of Borongan.

Ayon sa Obispo, mahalagang patuloy na gunitain, alalahanin at ipanalangin ang lahat ng mga nasalanta ng pananalasa ng kauna-unahang super typhoon category sa bansa noong Nobyembre 8, 2013 na nagdulot ng malawak na pinsala sa buhay at ari-arian ng mamamayan sa Eastern Visayas region.

Sinabi rin ng Obispo na nararapat ding ipagpasalamat ang naging paggabay ng Panginoon at ng mga may mabubuting pusong indibidwal at organisasyon na nagpaabot ng suporta at ayuda sa muling pagbangon ng mga residente sa sakuna.

“For this commemoration, let us continue with binding hopefulness and solidarity in the face of so many challenges coming our way and be thankful to the Lord that we have risen from the horrible destruction that super typhoon Yolanda had brought. We have seen God’s saving acts at work in our own history. We thank individuals, groups, and organizations who helped us rise and recover, and never forget them in our prayers,” bahagi ng liham sirkular ni Bishop Varquez

Ipinaliwanag niya na mahalaga ang mga aral na natutunan ng bawat isa mula sa pananalasa ng Yolanda para sa pagharap sa mga krisis na posibleng maganap sa hinaharap.

“The threats and challenges remain, and in an uncertain future may again happen, but what we have are the lessons of the past, something we have learned, and by all means we have to sustain – continue educating ourselves, our young ones especially for they will be the ones who will bear the consequences of our decisions and actions of today,” dagdag pa ni Vasquez.

Sa gitna ng patuloy na mga banta ng iba’t ibang malalakas na kalamidad at sakuna na dulot ng climate change, sinabi ng Obispo na napapanahon nang mamulat ang bawat isa sa higit na pangangalaga sa kalikasan bilang tugon na rin sa panawagan ng Santo Papa na ecological conversion.

Giit pa niya na kinakailangan wakasan na ng bawat isa ang iba’t ibang mga gawaing nakakasira sa kalikasan.

Batay sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mahigit 3 milyong pamilya o katumbas ng 16 na milyong indibidwal, ang naapektuhan ng pananalasa ng Super Typhoon Yolanda kung saan mahigit sa 6,000 rin ang naitalang nasawi. Jocelyn Tabangcura-Domenden