ANIM SA BAWAT SAMPUNG PILIPINO, NANINIWALANG SOLUSYON ANG “SIM CARD REGISTRATION” KONTRA KRIMEN

ANIM SA BAWAT SAMPUNG PILIPINO, NANINIWALANG SOLUSYON ANG “SIM CARD REGISTRATION” KONTRA KRIMEN

November 9, 2022 @ 11:01 AM 4 weeks ago


SA pagtatanong na isinagawa ng SWS o ng Social Weather Station, lumabas na anim sa bawat sampung Pilipino ang nananalig na mababawasan ng malaki ang text scams at iba pang mobile phone-aided crimes sa bansa sa pamamagitan ng ipinasang SIM card registration law ng Kongreso kamakailan. 

Ayon sa SWS, “very strong” sa buong bansa o katumbas ng 66% ang suporta ng mga tinanong na Pilipino mula September 29, 2022 hanggang October 2, 2022, o bago pa ganap na lagdaan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ang Republic Act No. 11934.

Noong ika-10 ng Oktubre, nalagdaan na ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ang Republic Act No. 11934 o ang Subscriber Identity Module Cards Registration Act na siyang kauna-unahang batas na naipasa ng 19th Congress sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Sagot ito ng pamahalaan sa lumalaganap na krimen gamit ang mga mobile phones katulad ng text scams. 

Nakasaad sa batas ang pagrerehistro ng mga bagong SIM card holders sa kani-kanilang binilhang telecommunication service providers. Maging ang mga kasalukuyang ginagamit na SIM cards ay ipaparehistro din sa loob ng 180 days matapos maging epektibo ang bagong batas.

Ang hindi rehistradong SIM cards sa loob ng ibibigay na palugit ay awtomatikong magiging “deactivated”.  

Nasa 48% naman ng mga Pilipino ang nagtitiwala na makakayang pangalagaan ng mga Telcos ang mga impormasyon ng mga indibidwal alinsunod sa Data Privacy Act ng bansa.

Mahigpit ang probisyon ng batas sa mga Telcos hinggil sa proteksyon ng mga impormasyon na dapat ay nasa isang secured database.

Ipaiiral ang “absolute confidentiality” at kakailanganin ang subpoena o Court Order para sa paglalabas ng anumang impormasyon.

Naghahanda na ang mga pangunahing Telcos sa bansa hinggil sa nasabing rehistrasyon habang nagpapatuloy ang konsultasyon at paggawa ng IRR o implementing rules and regulations sa pangunguna ng NTC o ng National Telecommunications Commission.