ANNULMENT/NULLITY OF MARRIAGE

ANNULMENT/NULLITY OF MARRIAGE

July 15, 2022 @ 7:04 PM 1 month ago


KUNG pagbabasehan ang batas, ang annulment/nullity of marriage ay iginagawad kung merong depekto ang “kasal” bago o sa araw mismo ng seremonya gaya halimbawa ng pikot, panloloko atbp.

Kapag walang de­pek­to na nakasaad sa batas, ‘di pawawalang bisa ng korte ang kasal.

Ang tanging paraan lang ay magkaroon ng “Absolute Divorce Law” kung saan ay pwede mapawalang-bisa ang kasal kahit walang depek­to.

Sa aking pananaw, masyadong kumplikado ang absolute divorce law dahil sa ang unang tatamaan sa problema ay hindi ang mag-asawa subalit ang mga bata o anak nila na hindi pa lubos nauunawaan ang nangyayari sa kanilang pamilya.

Pangalawang tatamaan ay ang kakayahan ng mag-asawa, lalo na ang lalaki, sa suportang ibibigay sa bata kung kanino man mapagkasunduan ng mag-asawa na mapunta. Hindi magiging problema ang suporta kung parehong mayaman o may kakayahan ang maghihiwalay na mag-asawa.

Bagaman may maganda at hindi magandang dulot ang paghihiwalay ng mag-asawa tulad halimbawa nang pagkawala ng babae sa pananakit ng kanyang kabiyak, o kaya naman ay mawawala rin ang kanyang sakit ng ulo sa iresponsableng asawa o kaya naman ay pagsasaayos ng pandinig ng lalaki dahil wala nang magbubunganga sa kanya sa araw-araw.

Natatali nga ang mag-asawa sa kapirasong papel ng kasal at nauubos ang kanilang panahon dahil hindi sila makapaghiwalay ng lubusan.

Gayunman, may natanong akong abogado na dating pulis ng Maynila na nagsabing pabor siya sa absolute divorce law ngunit kailangang mahigpit na masunod ang ilang alintuntunin tulad nang hindi pagpapabaya sa anak sa pama­magitan nang pagbibi­gay ng sustento at oras.

Maging ang kanyang hihiwalayang asawa ay hindi niya rin pababa­yaan sa pinansyal na aspeto.

“Maaaring labag sa kautusan ng Simbahang Katolika ang pagpapahiwalay sa mag-asawa subalit maraming bansa na ang umaayon dito kaya naniniwala akong pabor na rin si Lord dito,” ayon kay Atty. Art Paglinawan.

Sinabi pa ng abogado, maiiwasan ang adulterous relationship ka­pag naputol ang bigkis ng kasal.

Opinyon lang aniya ang kanyang sinabi pero kung may kontra ay wala siyang magagawa.

Marunong siyang rumespeto sa opinyon ng iba.

MALAKAS KAY MAYOR TEODORO

Kalampagin natin si Marikina Mayor Marcelino Teodoro kaugnay sa pasugalan nitong si Pinong na walang ipi­nag­malaki kundi malakas siya kay Mayor Teodoro.

Aba’y kaya pala na­mamayagpag  pa-loteng nito sa nasabing bayan.

Pipi at bingi rin umano ang mga pulis dahil palaging binabanggit ni Pinong kapag sinisita ang pa-loteng kundi ang pangalan ni Mayor Teodoro.

Walang magawa ang mga kapulisan kundi gatasan na lamang si Pinong?

Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764, 09266719269 o i-email sa [email protected] [email protected]