Año: Alert level 2 ‘di pa nakikita sa kabila ng COVID-sirit

Año: Alert level 2 ‘di pa nakikita sa kabila ng COVID-sirit

June 15, 2022 @ 12:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Hindi pa nakikita ng national government ang pangangailangan sa pagtataas sa lert level 2 status, ayon kay Interior Secretary Eduardo Año ngayong Miyerkules.

Giit niya na hindi pa kasi naabot ng COVID-19 situation sa bansa ang itinakdang metriko ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).

Sa panayam sa radyo, sinabi ni Año na dapat munang makipag-usap sa IATF bago itaas ang alert level status ng maraming lugar, kabilang ang National Capital Region (NCR), na nasa Alert Level 1 hanggang Hunyo 15.

“Ang atin kasing metrics para pumunta sa Alert Level 2 ay ‘yung number ng cases at rate ng hospitalization natin. So medyo hindi pa naman tayo papasok diyan sa Alert Level 2. Marami pa tayong titignan na metrics,” anang kalihim.

Nakapagtala ang Pilipinas ng 257 bagong impeksyon sa COVID-19 noong Martes, na nagdala ng aktibong tally sa 3,130 mula sa 3,097 noong Lunes.

Inaasahan ng grupong OCTA Research na ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa buong bansa ngayong Miyerkules ay aabot sa 450 hanggang 500, kung saan 250 sa mga nagmumula sa NCR dahil tumaas ang single-day positivity rate nito sa 4%.

Kung patuloy na tumataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Lunes na posibleng itaas ng gobyerno ang Alert Level 2.

Ang mga lugar sa ilalim ng Alert Level 1 ay may mababang case transmission, hospital utilization rate, at rate ng paggamit ng intensive care unit. RNT