Ano ang nangangamoy – LTO, LGU, MMDA O NCAP?

Ano ang nangangamoy – LTO, LGU, MMDA O NCAP?

August 17, 2022 @ 6:21 PM 2 months ago


MARAMING salamat sa Land Transportation Office dahil hindi na nito ia-alarma ang mga sasakyan na may unpaid No Contact Apprehension Program sa LGU.   Ibig sabihin kung ang sasakyan mo ay for renewal ng registration, ipo-process ito ng LTO kahit may NCAP violation.

Malaking ginhawa ito sa operators at registered owners. Tama naman ang LTO dahil kasi noong panahon ni AASEC Edgar Galvante ay hinostage ang renewal ng rehistro dahil sa NCAP.

Salamat Asec Guadiz at hindi mo itinuloy ang kapalpakan ng pinalitan mo sa LTO.

Ano ngayon ang nangyayari sa LGU?   Sabi ng Quezon City tuloy pa rin daw ang panghuhuli ng NCAP nila.   O sige, ang tanong – may sarili ba kayong data ng mga registered-owners ng mga sasakyan? Di ba umaasa lang kayo sa LTO? Paano ny’o malalaman kung sino ang registered owner para ipadala ang notice of violation n’yo?

Paano kung hindi mag-cooperate ang LTO sa pag-verify ng registered owner? Makukunan ba ng camera ng private contractor nyo yung mukha ng owner o driver?

LGUs at private provider – matagal nyo napakinabangan ang data base ng LTO pero hindi kabahagi ang LTO sa inyong hatian sa kita galing sa multa pero nababawasan naman ang koleksyon ng LTO na sana nakukuha nila sa car registration. Bakit ngayon na nanawagan ang LTO na i-suspend muna at pag-aralan ay ayaw ninyo?  May balak ba kayo na isama ang LTO sa hatian?

At ang Lawyers for Commuters Safety and Protection ay tutol sa ginawa ni Galvante na nagka-access ang isang NCAP private provider sa data ng LTO sa mga registered owners ng mga sasakyan. Ginastusan ng milyun-milyon ng pamahalaan ang data ng LTO tapos ganun kadali nila makukuha?   Wala ba silang nilabag sa Data Privacy Act ? Bakit ang NCAP ng MMDA ay walang reklamo?  Dahil patas ang implementasyon.

Resonable ang multa at hindi libu-libo. Bakit resonable dahil pag-aari ng MMDA ang NCAP technology na ginagamit nila. Hindi katulad sa LGUs na may negosyanteng kapartner. Natural gusto nila kumita! Kaya mataas ang multa.

Magkano ba ang magagastos ng LGU kung  sariling NCAP ang paiiralin nila.   Bilyon ba?   Natanong ba ng LGUs sa private providers ang halaga ng puhunan nila sa mga camera at system ? Bakit may parte na nga ang private provider ay may babayaran pa umano na system charge ang mga motorista OVER AND ABOVE NG MULTA? Di ba’t kahati ka na nga ng private provider?

At saang “funds” napupunta ang multa?  Di ba dapat sa kaban ng LGU muna mapunta ang multa at saka ibigay sa private contractor? May special funds ba dito?

Dapat suriin ng Commission on Audit ang bagay na ito.

Lahat tayo ay para sa disiplina sa lansangan – pero sa tamang paraan. Ang NCAP ng MMDA ay pwede gawing modelo ng mga LGUs. Kaya’t habang tumatagal ang usapin ng NCAP ay mas maraming katanungan ang dapat sagutin.

Bakit hindi nakita ang mga problemang ito at minadali ang implementasyon.   Hindi nakita pero baka may naaamoy.