ANO ANG TAMANG POSTURA? POSTURA?

ANO ANG TAMANG POSTURA? POSTURA?

March 6, 2023 @ 1:43 AM 3 weeks ago


SINABI ni Philippine Coast Guard Adviser for Maritime Security Commodore Jay Tarriela kamakailan, na ang pagsasapubliko nila ng mga halos pananakop nang bansang Tsina sa mga karagatang bahagi naman talaga ng ating bansa ay mas umaani ng suporta kaysa mga protesta na ating inihahain.

Si Tarriela, tumatayo ring tagapagsalita ng PCG, ay nininiwala na sa kanilang pagbabalita sa mga pananakop ng China sa West Philippine Sea ay kumikilos ang iba’t ibang sangay ng ating pamahalaan para ipaalala sa mga Tsino na mali na ang kanilang ginagawa sa mga bahagi ng ating karagatan. Maging ang ibang bansa ay pumapanig at sumusuporta sa atin.

Pati ang Tsina, sabi ni Tarriela ay nagre-react sa kanilang paglalahad ng mga pangyayari sa ating mga karagatan, gaya nang pagsita ‘di lamang sa kanila, kundi sa ating maliliit na mangingisda, o’ kaya naman ang pambobomba sa kanila ng tubig ng mga sasakyang pandigma ng mga Tsino at nitong huli ay paninilaw ng mga militia ng Tsina gamit ang laser light sa ating mga bantay-dagat, ay naitala.

Si Pangulong Bong Bong Marcos nga ay naglahad na rin ng kanyang saloobin sa mga pangyayaring ito. Hindi raw siya makapapayag na anomang bahagi ng bansa ay babuyin ng sinomang banyaga, mapa-Tsino man o hindi.

Ang mga ganitong postura ang inaabatan ng Tsina. Napapag-isip natin sila kung ano ang mas mahalaga sa kanila – ang sakupin ang karagatan o’ sirain ang magandang pakikipag-ugnayan natin sa kanila?

Noong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang postura ng kanyang administrasyon ay parang pakikisuyo. Maingat ito sa mga binibitiwang salita na maaring ika-galit ng mga Tsino.

Kaya naman, lumakas ang loob ng mga Chinese sa pangunguna ng kanilang lider na si Xi Jinping na sabihing piraso ng papel lamang ang mga protesta natin at walang saysay para sa kanila.

Ang pagkakapanalo natin sa Korte ng ‘The Hague’ noong 2016 ay ‘di lamang pirasong papel. Ito ay katunayan na atin ang bahagi ng karagatan na sinasakop na ng mga Tsino.

‘Yan ang posturang ayaw na ayaw tanggapin ng mga Chinese.
oOo oOo oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!