ANO KAYA ANG LAMAN?

ANO KAYA ANG LAMAN?

June 27, 2022 @ 8:25 PM 2 months ago


Tatlong araw na lang, sa ika-30 ng June 2022, manunumpa bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas si Ferdinand Romualdez Marcos, Jr.   Mahigit 31 milyong Pilipino ang nagdala ng panalo niya, sa kauna-unahang eleksyon na majority vote ang nakuha ng nanalong kandidato.

Sa panunumpang gagawin, marami ang naghihintay ng kanyang talumpati.  Ano ba ang mga bibitawan niyang pangako na pwedeng asahan ng mga Pilipino?

Masalimuot ang haharapin ng administrasyon ni Marcos, Jr.   Patong-patong na problema ng bansa at ng buong mundo. Kaya importante na marinig at maunawaan ng bawat Pilipino ang pananaw o vision niya kung saan direksyon niya dadalhin ang Pilipinas, at paano niya ito gagawin.

Tatlong bagay ang nakikita ko na sana ay tuunan ng pansin sa inauguration speech.  Una, ano ba ang ipagpapatuloy na mga programa na inumpisahan ni Duterte? Pangalawa, ano ba ang mga bagong gagawin ni Marcos na kakaiba sa mga ginawa ng paalis na administrasyon? Pangatlo, paano ba praktikal na ipatutupad ni Marcos, Jr. ang “unity” na plataporma nila sa kampanya.

Asahan na natin na itutuloy ang war on drugs, ang “Build, Build, Build” at ang programa para bumangon sa pandemya ng COVID.  Tingin ko rin, hindi masyadong magbabago ang “foreign affairs” policy natin, na “independent” kuno.

Sa mga obserbasyon ko, mukhang magbabago ang tono, kahit konti lang, tungkol sa pagsugpo at negosasyon sa mga rebeldeng komunista.   Mukhang mas magiging konserbatibo rin yata ang economic team ni Marcos, Jr.

Siguro ang pinakamalaking pagbabago na pwedeng asahan ay ang mga gustong gawin ng pamilyang Marcos na “linisin” ang kanilang pa­ngalan.  Pero ibang kwentuhan na lang ‘yan.

Madidismaya ako ‘pag hindi nalinawan kung paano  tutugunan ng “unity” ang kakulangan sa pagkain at tumataas ng presyo ng gasolina at mga bilihin.