ANO KAYA KAY GAT ANDRES ANG EDCA NG MGA KANO?

ANO KAYA KAY GAT ANDRES ANG EDCA NG MGA KANO?

December 1, 2022 @ 11:40 AM 2 months ago


GINUNITA ang kabayanihan ni Gat Andres Bonifacio kahapon.

Gaya ng alam ng lahat, kilala si Bonifacio na naging lider ng Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan at naglunsad ng armadong rebolusyon laban sa mga Kastila na mga dayuhang naghari sa Pilipinas simula noong Marso 16, 1521 hanggang Disyembre 10, 1898.

Dumating si Ferdinand Magellan sa Limasawa Island noong Marso 16, 1521 na simula ng Kastilang pananakop hanggang sa ibenta ng mga Kastila ang Pilipinas sa mga Amerikano sa halagang 20 milyong dolyar sa Treaty of Paris sa France noong Dis. 10, 1898.

Ganap nang inangkin ng mga Amerikano ang Pilipinas noong Abril 11, 1899 makaraang maaprubahan lahat ng dokumento ng bilihan sa pagitan ng Amerika at Espanya.

Mula noon, hawak na ng mga Amerikano ang Pilipinas at nagtayo ng mga kasunduang militar sa Pilipinas gaya ng Military Bases Agreement na nagsimula noong 1947 at natapos noong 1991.

Hanggang ngayon, umiiral pa ang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Amerika at Pilipinas mula noong 1951 at basehan ng pagtatayo ng Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.

Napagkasunduang pwedeng maglagay ang Amerika ng mga pwersa at armas nito sa Antonio Bautista Air Base (Palawan), Basa Air Base (Pampanga), Fort Magsaysay (Nueva Ecija), Lumbia Airport (Cagayan de Oro), Benito Ebuen Air Base (Mactan, Cebu) at sa anim pang itatag na lugar sa Palawan, Isabela at Cagayan.

 Ang EDCA ay pangunahing depensa ng Amerika laban sa anomang pakikipaggiyera nito sa China para protektahan ang mga interes nito sa Asya gaya ng malaking bulto ng negosyong Amerikano na naglalakbay sa karagatan ng South China Sea, kasama na ang West Philippine Sea.

Kung buhay si Gat Andres Bonifacio ngayon at nakikita nitong gagamitin lang ang EDCA na pangdepensa ng mga Ameriknao sa sarili at pansariling interes sa negosyo laban sa China, papayag kaya itong magkaroon ng EDCA sa Pilipinas?