Ano nga ba ang mga dapat gawin kapag inaaresto ka?

Ano nga ba ang mga dapat gawin kapag inaaresto ka?

June 25, 2018 @ 11:20 AM 4 years ago


Marami ang nangangamba ngayon sa kanilang seguridad dahil sa nagpapatuloy na kampanya kontra tambay ng administrasyong Duterte. Pero hindi natin kailangang matakot,  lalo na’t kung alam natin an gating karapatan.

Ayon sa Free Legal Assistance Group, narito ang mga dapat tandaan kung nahaharap sa pag-aresto ang indibidwal.

  1. Maging kalmado. Huwag hayaang pangunahan ng iyong imahinasyon ang maaaring sunod na mangyari matapos mahuli.
  2. Magsabi agad sa iba. Sabihan ang kaanak, kaibigan, o maging ang ibang taong nasa lugar habang ikaw ay inaaresto na maging saksi sa paghuli sa iyo. Maaari ring tumawag sa mga kaanak, kaibigan, at abogado para sila’y makinig sa paraan ng pag-aresto sa iyo.
  3. Alamin kung sinong umaaresto. Itanong sa tao o mga taong umaaresto sa iyo ang kanilang pangalan, mga posisyon, at kung saang tanggapan o ahensiya sila galing o kasapi.
  4. Hingin ang dokumento. Humingi ng kopya ng dokumentong nagbibigay awtoridad para sila’y manghuli. Suriin nang maigi ang papeles dahil dapat ay tama ang pangalang nakasaad sa warrant of arrest at dapat ay nakalagay rin ang klase ng paglabag na iyong ikinaaaresto.
  5. Huwag maging brusko. Sabihing kinokontra mo ang panghuhuli at di mo wine-waive o isinasantabi ang iyong mga karapatan pero sasama ka sa kanila sa mapayapang paraang upang maiwasan ang karahasan.
  6. Alamin kung saan patungo.Tanungin ang arresting officer o ang nangunguna sa iyong pag-aresto kung saan ka dadalhin. Hilingin din na ikaw ay samahan ng kaanak, kaibigan, o sinumang nakasaksi sa iyong pag-aresto.
  7. Tumawag ng abogado. Hilinging makatawag ka sa iyong abogado. Kung ito’y hindi pagbibigyan, hilingin sa kaanak o sinumang nakasaksi sa iyong pag-aresto na tumawag sa iyong abogado. Ipaalam sa abogado ang pagkakakilanlan ng mga umaresto sa iyo, dahilan ng pag-aresto sa iyo, at kung saan ka dadalhin.
  8. Maging alerto. Tandaan ang lahat ng magiging paglabag sa iyong karapatan, at kung mayroon man, ireklamo ito matapos maaresto, sa pagkakataong ihaharap na sa hukom o piskal.
  9.  Dapat naka-uniporme ang aaresto. Kung ang mga aaresto ay nakadamit pansibiliyan at tumangging ibigay ang kanilang pangalan o maglabas ng warrant of arrest, tanggihan din ang pagsama sa kanila. Sa ilalim ng batas, ang mga aaresto ay dapat naka-uniporme, maayos ang pakikitungo, at irerespeto ang iyong karapatan at dignidad.
  10. Magkaiba ang aresto at interogasyon. Kung sasabihin sa iyo na hindi ka inaaresto, sa halip ay iniimbitahan lamang para sa interogasyon, sabihing sasangguni ka muna sa iyong abogado. Ang iyong abogado dapat ang makipag-usap sa mga awtoridad para mag-ayos ng petsa, oras, at lugar para sa iyong interogasyon. Kung hindi ka papayagang sumangguni sa abogado, huwag sumama sa mga nagpakilalang awtoridad. Kung sila’y magpilit, maituturing nang pag-aresto ang kanilang ginagawa at mainam na balikan ang mga naunang nabanggit na abiso ukol sa dapat gawin kung inaaresto.

Mainam talaga, kung alam natin ang batas, lalo na bilang panseguridad sa ating kapakanan.

Huwag ding matakot sa mga alagad ng batas lalo na kung alam mo sa iyong sarili na wala kang ginagawang masama.