Anomalya sa TUPAD bubusiin ng bagong DOLE chief

Anomalya sa TUPAD bubusiin ng bagong DOLE chief

July 7, 2022 @ 8:21 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinusuri ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang diumano’y lapses sa pagpapatupad ng programa nito para sa mga displaced workers, sinabi ni Secretary Bienvenido Laguesma, nitong Miyerkules.

Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Laguesma na nakatanggap ang DOLE ng ilang natuklasan mula sa Commission on Audit sa programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).

Aniya, sinisimulan na nilang suriin ang mga umiiral na mga alintuntunin at kung bakit nagkaroon ng ganung klaseng findings ang COA upang sa gayon ay maiayos din ang kanilang implementation process.

Sa 2021 annual audit report nito sa DOLE, ipinunto ng COA na ang ilang tulong pinansyal na inilabas sa ilang rehiyon ay hindi matiyak dahil sa iba’t ibang isyu kabilang ang “unliquidated fund transfers.”

“The propriety and/or validity of the financial assistance granted to the various beneficiaries for TUPAD could not be ascertained in the Central Office, National Capital Region, Regional Offices I, III, V, IX, XII and XIII due to unliquidated fund transfers, unavailable/invalid/incorrect numbers, and no contact details of the beneficiaries,” ayon sa report.

Pinayuhan ng COA ang DOLE na tugunan ang mga alalahanin sa hindi nagamit na balanse sa iba’t ibang rehiyon at sa pagpapatupad ng TUPAD na kinasasangkutan ng mga local government units upang maiwasan ang mga isyu.

Sinabi naman ni Laguesma na ang mga lapses na ito ay hindi dapat maging hadlang sa pagpapatupad ng TUPAD, na aniya ay isang kapaki-pakinabang na programa. Jocelyn Tabangcura-Domenden