ANONG EPEKTO NG INTERNAL CLEANSING SA PNP?

ANONG EPEKTO NG INTERNAL CLEANSING SA PNP?

January 11, 2023 @ 2:54 AM 3 weeks ago


UNTI-UNTING  maibabalik ang tiwala ng taumbayan sa pulisya sakaling mangyari nga ang makatotohanang paglilinis sa hanay ng Philippine National Police na tinadtad ng iba’t-ibang isyu’t kontrobersiya noong nakaraang taon.

Kabilang sa pinakamalaking isyu rito ang “ninja cops” na una nang binatikos ni dating PNP Chief at ngayo’y Senador Ronald”Bato” Dela Rosa na sadyang naapektuhan ang imahe ng awtoridad kaya naman ayon sa ating insiders,hinikayat ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na mag-sumite ng ‘courtesy resignation’ ang mga kernel at heneral upang isailalim sila sa pagsusuri kung kabilang sa mga opisyal na sangkot sa kalakaran ng droga sa bansang mistulang agos ng tubig sa ilog ang pagdaloy umano ng suplay sa kabila nang pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban dito.

Seryoso si Pangulong Bongbong Marcos sa paglilinis na itong hindi raw siya magdadalawang-isip na ipakulong ang sinomang sabit na opisyal na ayon naman sa ilang observers ay patunay lang na nais tulungan ng Pangulo ang PNP na maibalik nito ang malinis at respetadong papel  bilang tagapagpatupad ng katahimikan at kaayusan sa komunidad.

Subalit hindi rin maiaalis ang pagka-dismaya ng karamihan sa matitino at tuwid na mga opisyal na walang kaalam-alam sa kalakaran ng ipinagbabawal na gamot na sinira ng ilan nilang kasamahang ganid sa kwarta kaya tumatanggap ng ‘drug money’.

Sabi nga ni Senador Koko Pimentel,’yung mga pinagduduhan lang ang dapat magbitiw sa tungkulin at isailalim sa malalimang imbestigasyon at kasuhan kapag napatunayang sangkot nga sa illegal drug trade.

Hindi nga naman patas at parehas na ‘yung nakararaming inosenteng kernel at heneral ay maghahain din ng courtesy resignation.

Sa isang banda naman,walang dapat ikabahala ang mga opisyal na itong tunay na tapagpatupad ng batas at walang bahid ng anomang dumi ang kanilang tsapa kaugnay sa kautusan ng DILG na naglalayong matuldukan na ang pamamayagpag ng ilang tiwalang opisyal sa hanay.

Sa madali’t sabi, pabor pa rin sa buong puwersa ng PNP ang isinasagawang internal cleansing bunsod sa karamihan sa kanila ay hindi naman isusugal ang uniporme sa kalakarang ng droga na ‘yan.

Anomang puna o reaksyon itex sa 09999388537/email [email protected]