ANTAS NG KABUHAYAN NG MEDIA IANGAT!

ANTAS NG KABUHAYAN NG MEDIA IANGAT!

August 3, 2018 @ 7:38 PM 5 years ago


Sa mata ng publiko ay tila mga bayani at hinahangaan ang tapang at kahusayan ng mga media worker sa hanay ng broadcast at print media. Subalit, sa reyalidad ng buhay ay halos hikahos din ang karamihan sa ating mga kapatid sa hanapbuhay.

Kapag may digmaan, sakuna at iba pang kaganapan kung saan lumilikas ang taumbayan, ang mga mamamahayag naman ay pumapasok at isinusuong ang sarili sa bingit ng kamatayan maihatid lamang ang balita.

Kahit nasa malalaking istasyon ng telebisyon, radyo o diyaryo ay marami sa kanila ang underpaid pa rin at kapag nadisgrasya ang mga ito habang sila ay gumaganap ng kanilang propesyon ay halos walang panggastos sa oras na madisgrasya o masaktan.

Mas higit ang dinaranas ng mga nasa maliliit na publication o himpilan ng radyo o kaya ay mga nasa cable channel na kakarampot ang tinatanggap na sweldo ng mga ito. Karamihan ay talent. ‘Yung iba allowance lang.

Ito ang pangunahing dahilan kung bakit marami ang sinasabing “kumakapit sa patalim” o nadadala sa “tukso.”

Kadalasan sila ay nakakasuhan o nalalagay sa alanganin kapag may nababanatan.

Hindi natin sila masisisi dahil nakagawian na ito.

Mali nga lang.

Kaya kailangang pagtulong-tulongan ng lahat na maghanap ng tamang solusyon sa problemang ito.

Maraming “sakit” ang media sa Pilipinas na dapat gamutin.

Mga maling sistema na sumisira sa imahe ng mga lehitimong media na nananatiling tapat sa tungkulin sa harap ng maraming pagsubok.

Kailangan siguro ay magkaroon ng mga personalidad o organisasyon na magpapasimula sa kung paano mabibigyan ng maganda-gandang pasahod at benepisyo ang mga  reporter, broadcaster at lalong-lalo na ang ating mga photojournalist at cameraman na  nasa frontline ng mga disaster o war coverages.

Siguro ay napapanahon na upang pag-usapan at sama-samang tugunan ang mga pangangailangan ng media.

Magsama-sama ang mga indibidwal at mga grupong tunay na may malasakit.

Hindi ‘yung namumulitika lang.

Panahon na para itaas ang dignidad at maibalik ang kadalisayan sa pagiging miyembro ng 4th Estate! – DALA KO EGCO NI JOEL M. SY EGCO