Antas ng krimen sa 5 taong panunungkulan ni Digong, bumulusok ng 74%

Antas ng krimen sa 5 taong panunungkulan ni Digong, bumulusok ng 74%

February 22, 2022 @ 4:42 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Bumaba ang crime rate sa bansa ng 73.76% sa unang limang taon ng termino ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Iniulat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año kay Pangulong Duterte sa Talk to the People ng huli, Lunes ng gabi na ang index crimes sa bansa ay bumaba ng 34,552 noong 2021 mula 131,699 noong 2016.

Ang Index crimes ay tumutukoy sa mga pagkakasala na kinukunsidera bilang “serious in nature with sufficient frequency and regularity citing murder, homicide, rape, robbery, carnapping, physical injuries, and eight other special complex crimes.”

“Mula (rin) noong nakaraang taon ng 2021 kumpara sa taong 2020, makikita po natin sa total crime incidents na umaabot po ng 374,277 ang volume. Sa year 2021 ay 360,573 o mayroong pagbaba ng 3.66 percent sa total crime incidents,” ayon sa Kalihim.

Ang pigurang ito ayon kay Año ay dahil sa pinaigting na anti-criminality program ng Duterte administration.

“Ano pong ibig sabihin nito? Nararamdaman po ng ating mga kababayan ang pagganda ng peace and order situation at ang pagiging kumpyansa na ligtas po ang ating mga mamamayan laban sa mga kriminal,” ang sinabi ng Kalihim sa Pangulo.

Samantala, noong panahon na iyon, ipinakita ng data mula Philippine National Police (PNP) na may P27,580,509 shabu at marijuana ang nakumpirka mula Pebrero 13 hanggang 19.

Iniuat ni Año, na nagsagawa ang anti-narcotics authorities ng 916 operations kung saan may 1,281 indibiduwal ang inaresto na may tatlong katao ang namatay at 47 boluntaryong sumuko.

“P3.2 billion out of the PHP4.85 billion worth of ayuda (cash aid) were distributed to 2,280,054 beneficiaries in the areas struck by Typhoon Odette,” ayon sa Kalihim.

Ang Caraga region aniya ang nangunguna sa listahan na may 92.10% na ayuda na naipamahagi na sinundan naman ng Mimaropa na may 90.55% distribution rate.

Gayunman, ang Region 6 (Western Visayas) ay namahagi naman ng ayuda sa 773,123 recipients na sinasabing pinakamarami pagdating sa binigyan ng ayuda.

“Patuloy pa rin po nating imo-monitor at isu-supervise ang pagbibigay ng mga natitira pang ayuda sa lahat ng apektado,” aniya pa rin.

Sinabi pa ni Año na ang patuloy na pagbuti ng coronavirus disease-2019 (Covid-19) situation sa bansa kung saan 14 na lungsod at munisipalidad ang kasalukuyang nasa ilalim ng granular lockdowns.

Sa kasalukuyan, may 109 barangays ang kasama sa 226 granular lockdown areas sa bansa na nakaapekto sa 267 mga kabahayan o 343 indibiduwal. Kris Jose