Anti-child marriage law labag sa Muslim customs – Islamic studies expert

Anti-child marriage law labag sa Muslim customs – Islamic studies expert

January 13, 2022 @ 8:45 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Ibinabala ng isang eksperto sa Islamic Studies ang bagong pasang batas na anti0child marriage law sa Pilipinas dahil nilalabag umano nito ang nakagawiang pagpapakasal sa mga Muslim.

Sinabi ni Professor Julkipli Wadi ng University of the Philippines’ Institute of Islamic Studies na ang nasabing “sweeping” measure, na tinintahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo ay lumalabag sa PD 1083.

Ang nasabing decree, na tinintahan noong 1977, ay kumikilala sa Filipino Muslim laws, kabilang na ang sa kanilang pagpapakasal.

Sinabi ni Wadi, dapat sana ay kinilala ng bagong batas o nagbigay ito ng exception sa traditional Muslim laws, dahil hindi naman lahat ng kultura ay negatibo.

Paliwanag ni Wadi, na pinapayagan ang maagang pagpapakasal sa Muslims para mapigilan ang pre-marital sex o maagang pakikipagtalik.

Dagdag niya, na kapag ang isang paslit na Muslim ay nabuntis, mapoprotektahan siya kapag kasal na sila.

Sa kabilang banda, kinikilala naman ni Wadi ang intensyon ng nasabing bagong batas.

Lalo na maraming nagaganap na pag-aabuso sa maagang pagpapakasal, katulad na lang ng sapilitang pagpapakasal nang walang pagpayag mula sa batang babae.

Aniya pa na ang opinyon ng iba’t ibang grupo at Muslim leaders ay dapat naikonsidera para maintindihan ng mga tao kung bakit nila kinokontra ang nasabing batas.

Sa ilalim ng nasabing batas o Republic Act 11596 parurusahan ang indibidwal na magsasagawa ng child marriages, yaong mga nangasiwa sa pagpapakasal, ang matandang partner na nagpakasal sa bata, at mga nagpeke ng dokumento para mapalabas na nasa hustong gulang na ang bata.

Ang mapatutunayang lumabag ay magbabayad ng P40,000, at makukulong ng 12 taon. RNT