Anti-dengue kits ipinamahagi sa mahigit 47K estudyante sa Makati

Anti-dengue kits ipinamahagi sa mahigit 47K estudyante sa Makati

August 17, 2022 @ 12:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Umabot sa 47,212 estudyante ng elementarya sa mga pampublikong eskwelahan sa Makati ang napagkalooban ng libreng anti-dengue kits ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Makati City Mayor Abby Binay, ang pamamahagi ng anti-dengue kits sa mga estudyante ay bahagi ng kampanya ng lungsod kontra dengue lalo na ngayong malimit ang pagbuhos ng ulan kung saan nagiging laganap pagdadala ng sakit ng mga lamok.

Sinabi ni Binay na ang bawat pouch ay mayroong 250 ml. mosquito repellent lotion at wrist band na may apat na citronella capsules kung saan ang bawat isang capsule ay tumatagal ng tatlong buwan.

Ani Binay, ang lahat ng public elementary students mula Kinder hanggang Grade 6 kabilang ang mga mag-aaral sa Special Education (SpEd) curriculum ay makakukuha ng anti-dengue kit.

Matatandaan na noong taong 2015 nang nagsimulang mamahagi ng libreng school supplies at uniporme ang lokal na pamahalaan sa ilalim ng Project FREE o Free Relevant and Excellent Education.

Makaraan ang anim na taon, bukod sa libreng school supplies at uniporme ay dinagdagan pa ni Binay ng rubber shoes, medyas, rain gear, wellness kits pati na rin ng bagong disenyong uniform at bag ang ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan sa bawat estudyante ng pampublikong eskwelahan sa lungsod.

Bukod sa pagkakaloob ng mga gamit sa eskwelahan sa mga estudyante ay nagpapatuloy din ang pagsasagawa ng clean-up drives kabilang ang preventive misting operations at health education seminars sa bawat barangay sa lungsod na epektibong pamamaraan upang maiwasan ang sakit na dengue na nanggagaling sa lamok.

Kasabay nito ay hinikayat ni Binay ang mga residente na panatilihing malinis ang kanilang mga tahanan gayundin ang pagsusuot ng mahahabang damit at paggamit ng mosquito repellent lotion bilang proteksyon sa pangangagat ng lamok.

Hinimok din ni Binay ang kanyang mga konstituwente na agad na ipaalam sa pinakamalapit na health center sa kanilang barangay ang mga taong may sintomas ng dengue upang agad na malapatan ang mga ito ng lunas.

Sa huling datos ng Makati City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), mula Enero 1 hanggang Agosto 15 ay nakapagtala na ang lungsod ng 334 kaso ng dengue. James I. Catapusan