Anti-Discrimination Bill, umarangkada sa Senado

Anti-Discrimination Bill, umarangkada sa Senado

August 10, 2018 @ 2:46 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Malaki ang posibilidad na maipasa ng Senado sa lalong madaling panahon ang Anti-Discrimination Bill na nagbabawal sa diskriminasyon base sa personal na Sexual Orientation, Gender Identity And Expression o SOGIE matapos sumuporta ang ilang lider dito.

Kahapon, inihayag ni Senador Riza Hontiveros na sinuportahan ng majority bloc sa Senado ang Senate bill No. 1271 o ang Anti-Discrimination Bill partikular sina Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senate finance committee chair, Sen. Loren Legarda at Minority Leader Franklin Drilon.

“Nakakuha ng kakampi ang LGBT community sa majority bloc ng Senado noong nakaraang Miyerkules matapos personal na sumuporta sina Senador Zubiri, Legarda, Recto at Drilon,” ayon kay Hontiveros.

Inihain ang naturang panukala sa Senado noong Agosto 1, 2016 na naharap sa makupad na pag-usad, samantalang pinagtibay sa Mababang Kapulungan ang kahalintulad na panukala noong Setyembre 2017.

“It would be a great legacy of this chamber if we are able to pass the anti-discrimination measure during our watch,” ayon kay Legarda sa ginanap na sesyon noong nakaraang Miyerkules.

“Gusto kong bigyan ito ng buo at mabilisang suporta sa panukalang ito,” ayon kay Legarda na siyang tinugon ni Recto: “And for the record, I also associate myself with the statements made by Senator Legarda.”

Para sa kanya, sinabi ni Zubiri na ilalagay niya sa agenda araw-araw ang naturang panukala upang mapansin ng karamihan at isailalim sa deliberasyon sa anumang pagkakataon sa mga susunod na linggo.

Sa ganitong punto, sumagot ni Drilon na kanyang sinuportahan ang panukala.

Sinabi ni Hontiveros na nasa ilalim ng interpelasyon ang panukala sa loob ng 602 araw simula nang isponsoran niya ito noong Disyembre 2016.

Magbabalik ang sesyon ng Senado sa Lunes at magkakaroon ng tatlong araw na sesyon upang maisalang at maipasa bago mag-adjourn ang sesyon sa Miyerkules.

Nakatakdang makipagtalastasan sa panukala sina Senate President Vicente Sotto III at Senador Joel Villanueva sa susunod na linggo.

Naunang sinuportahan ang panukala ng Catholic student councils sa Metro Manila na humihiling sa Senado na tapusin ang interpelasyon at aprubahan ang panukala. Ernie Reyes