Anti-doping, beach volleyball tampok sa TOPS

Anti-doping, beach volleyball tampok sa TOPS

March 30, 2022 @ 3:57 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Masinsinang  talakayan sa isyu ng anti-doping program at ang kahandaan ng Philippine beach volleybal team sa 31st Southeast Asian Games sa Mayo sa Vietnam ang sentro ng usapin ngayon sa Tabloids Organization in Philippine Sports , Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ via Zoom.

Inaasahang maipapahayag ni Dr. Alejandro Pineda, head ng Philippine National Anti-Doping Organization (PHI-NADO), ang kalagayan ng anti-doping sa bansa at mga programang ipinapatupad batay sa mga alituntunin ng World Anti-Doping Association (WADA).

Makakasama niya sa lingguhang sports forum ganap na 10:00 ng umaga na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB) at PAGCOR si Philippine beach volleyball head coach Jan Doloiras at mga premyadong beach volleybelles na kasalukuyang naghahanda para sa SEA Games sa Hanoi, Vietnam sa Mayo 12-23.

Nagparamdam ng kahandaan ang koponan para sa biennial meet sa matagumpay na kampanya sa katatapos na Australian Beach Volleyball Championship sa Coolangatta Beach sa Brisbane kung saan nagwagi ang Pinoy ng dalawang ginto, isang silver at dalawang bronze.
Kinuha nina Jovelyn Gonzaga at Dij Rodriguez ang gintong medalya sa Champion Division 1 laban sa local bets na sina Alice Zeimann at Anna Donlan, habang kinuna nina Ranran Abdilla at Jaron Requinton ang kampeonato sa Men’s class laban kina Issa Batrane at Frederick Bialokoz in the Men’s Challenger Division I.

Inaanyayahan ni TOPS president Beth Repizo-Merana ang mga miyembro at opisyal, gayundin ang mga sports enthusiats na makiisa sa talakayan na mapapanood din via livestreaming sa TOPS Facebook page at YouYube.RICO NAVARRO