Anti-drug campaign humina sa ICC probe at pag-alis ni ex-PRRD – Dela Rosa

Anti-drug campaign humina sa ICC probe at pag-alis ni ex-PRRD – Dela Rosa

March 2, 2023 @ 10:41 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa nitong Miyerkules, Marso 1 na humina ang anti-illegal drugs campaign ng pamahalaan dahil sa imbestigasyon ng International Criminal Court kasabay ng pag-exit ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD).

Ang pahayag ni Dela Rosa ay kasabay ng Kapihan sa Manila Bay forum nitong Miyerkules, Marso 1 kung saan pinag-usapan ang tungkol sa illegal na droga.

“It takes the whole PNP to really concentrate on the war on drugs…unlike during our time na grabe nakatutok kami … lahat ‘yan sabay-sabay,” pagdidiin ni Dela Rosa, dati ring PNP chief.

“Pero yun nga, dahil dito sa ICC, nawawalan tayo ngayon ng– yung vigor na ginagawa dati, yung tapang– wala na rin silang presidente na nagsasabi na ‘bang.’ ‘Pag may tinamaan kayo dyan, ‘pag may kaso kayo sagot ko kayo. Ako makukulong.’ Nawawala na yung tapang,” giit niya.

“Sasabihin ng mga pulis, ‘Bakit ako magpapa-hero hero dyan? ‘Yung dating chief PNP namin ay ngayon may kaso sa ICC pati ang presidente namin. So bakit magpa-hero hero.’ So ‘yan ang thinking ngayon ng mga pulis. Masama ang epekto talaga,” dagdag pa ni Dela Rosa.

Sinisi naman ng senador ang mga indibidwal na nagsumbong sa itinuturong drug war excesses sa international tribunal.

“You have to blame these mga tao, ‘yung mga politically motivated, na galit kay [ex-President] Duterte na ang complain dun sa ICC,” aniya.

“Tingnan niyo ngayon kung ano ang nangyari sa mga kasamahan niyo dahil naglipana na naman ang droga, nagkalat na naman ang mga adik,” dagdag ni Dela Rosa.

Sa kabila nito, nilinaw naman niya na hindi nito kinokonsinti ang mga tiwaling pulis at sinabing patuloy pa ring umiiral ang justice system ng bansa. RNT/JGC