ANTI-DRUG OPERATIONS PALAKARIN

ANTI-DRUG OPERATIONS PALAKARIN

December 28, 2022 @ 1:00 PM 1 month ago


NAKABABAHALA ang muling pagsusulputan ng mga tulak ng ipinagbabawal na gamot sa kalye makaraang matuldukan umano na ang madugo at kontrobersyal na giyera kontra droga ng dating administrasyon ni Tatay Digong.

Mismong si Senador Ronald”Bato”Dela Rosa ang nagsiwalat batay sa ipinarating sa kanya na sumbong ng mga mayor na balik-kalsada na naman ang pagbebenta ng mga tulak na isinailalim sa tokhang at nagsilayasan noong kasagsagan ng anti-drug war.

Ayon pa kay Senador Bato,kulang umano sa asim ang stratehiya ngayon ng pamunuan ng Philippine National Police kaya lumakas na naman ang loob ng ilang sindikatong nasa likod ng pagtutulak ng iligal na droga sa bansang tumaas din ang street crimes kabilang ang holdapan,pagnanakaw at iba pa.

Bagaman tinututukan daw ng pulisya ang paghuli sa mga pinaniniwalaang malalaking isda ng sindikato ng droga subalit bakit mistulang agos ng tubig sa ilog ang suplay ng droga ngayon sa kalye sa kabila ng malalaking volume ng ipinagbabawal na gamot na nasasabat ng mga awtoridad?

Hindi kaya ‘yung tinaguriang “ninja cops” na responsable sa panghuhuli ng iligal na droga ngunit ibinebentang muli sa kalsada ang isa sa dahilan kung bakit hindi matigil ang kalakarang itong patunay ‘dyan ang nasakoteng ilang kasapi ng PDEA habang nagtatarya ng shabu sa loob mismo ng opisina nila?

O baka naman masyadong malamya lang talaga ngayon ang diskarte ng awtoridad kabilang ang pagsasailalim sa rehabilitasyon ng mga nahuhuling maliliit na tulak sa halip na palayasin ito sa lugar na pinagbebentahan nila.

Hindi sa pinupuri natin ang madugong giyera laban sa droga ng nakaraang administrasyon kung saan marami ang namatay na kilalang personalidad na inginusong “big fish” ng sindikato kabilang ang street peddlers na kinondena ng human rights group at simbahan subalit pansamantalang natigil ang bentahan noon sa kalyeng bumaba rin ang krimen bunsod sa may pangil ang sistemang ipinatupad nito.

Hindi rin sa pinapangunahan natin ang pamunuan ng PNP ngunit kailangan umanong lektyuran ng grupo ni Sen. Bato na umupo bilang PNP chief, ang kasalukuyang ilang top brass ng Kampo Crame upang makuha nito ang stratehiya kung paano matigil ang kalakaran ng iligal na droga sa bansa ngayon.

Mawawalan ng saysay ang sinimulan noon ni Bato kapag hindi maagapan ang suliraning ito na ikinaaalarma na ng sambayanan.