Anti-drug war epektibo kahit may sablay 

Anti-drug war epektibo kahit may sablay 

October 17, 2020 @ 4:29 PM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Maliban sa ilang sablay, maituturing na epektibo ang pagpapatupad ng anti-drug war ng administrasyong Duterte.

Sa press briefing kahapon, sinabi ni Philippine National Police chief Police Gen. Camilo Pancratius Cascolan na kahit si Vice President Leni Robredo na lantad na kritiko ng gobyerno ay kumbinsidong epektibo ang madugong laban ng gobyerno kontra iligal na droga.

Inamin naman aniya mismo ni Robredo na walang mali sa inilunsad na “Oplan Double Barrel” kung saan bahagi ang “Oplan Tokhang” na unang ipinatupad sa Davao.

Sa katunayan, kinilala pa aniya ang Oplan Tokhang nang ipatupad ito sa bansa noong Hulyo ng 2016 pero nabatikos lang dahil sa kapalpakan ng ilang miyembro ng PNP.

Tinukoy ni Cascolan ang kaso ni South Korean executive Jee Ick Joo na dinukot sa kanyang bahay sa Angeles City ng mga nagpakilalang pulis at ahente ng National Bureau of Investigation.

Pinatay ang Koreano sa loob mismo ng Camp Crame at saka ipina-cremate. Kahit patay na, humingi pa rin ng P5 milyong ransom ang mga miyembro ng nabuwag na Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF) para umano sa paglaya nito.

Gayundin aniya ang kaso ng 17-anyos na si Kian delos Santos ng Caloocan City na pinagbabaril ng mga pulis at saka tinaniman ng baril para pagmukhaing nakipagputukan sa kanila.

Ani Cascolan, nakakulong na ang mga pulis na sangkot sa nasabing mga insidente, isa rito ay may ranggo pang lieutenant colonel.

“We are trying to reevaluate, and to come up with a lot of strategy on how we would be able to pursue it by removing graft and corruption in the PNP, follow the rule of law, no violations of human rights,” ani PNP chief.

Simula noong 2016, mahigit 100 pulis na ang naaresto, nakasuhan at nadismis matapos madawit sa iba’t ibang iregularidad. Lea Botones 


  •  
  •  
  •  

Loading...