Anti-Marites Ordinance isinusulong sa Valenzuela iwas COVID

Anti-Marites Ordinance isinusulong sa Valenzuela iwas COVID

January 19, 2022 @ 10:52 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Simula sa pagpasok ng 2022 ay kapuna-punang halos doble ang bilang ng mga active cases sa Valenzuela City kumpara sa mga karatig lungsod nitong Caloocan, Malabon at Navotas, at isa mga nasisilip na dahilan ng mismong mga Valenzuelano ay ang nagkalat na nagtsitsismisan sa lungsod.

Bunsod nito, hindi iilan ang nanawagan na magpatupad ang Sangguniang Panlungsod ng ordinansang nagpapataw ng mas mabigat na parusa gaya ng malaking multa o pagkakakulong o pareho sa mga mahuhuling nagtsisismisan

“Dapat talaga magkaroon na ng ordinansa laban sa mga Maritess at Tolits. Obvious naman kasama sila sa ng mga ayaw magpabakuna na dahilan ng paglobo ng mga kaso dito,” ayon kay alyas “Tatang.”

“’Yang mga tsismosang ‘yan parang sumasamba sa Delta at panginoon ang Omicron. Alam nang maraming kaso ng COVID ngayon, wala pa ring pahinga ang mga bunganga kasasalita at mga tenga kasasagap ng kung ano-anong walang kwenta,” sabat naman ni Aling Nena.

“Dati ang problema lang ugat sila ng mga awayan sa mga bahay-bahay. Ngayon posibleng sakit na ang dala nila sa mga minsan nahihila nilang tsismisan. Kawawa naman, lalo yung mga may anak na bata na di pa pwedeng bakunahan,” ayon naman kay alyas Mang Nano.

“Dapat talaga magkaroon ng Anti-Maritess Ordinance dito. Nakakahiya na tayo. Gayo itong si Sara, kalahating oras lang pangatlo na itong umpukan na napupuntahan,” ayon kay alyas Dingdong.

Hindi na nakasagot si Sara at natigil bigla ang usapan ng mga nasabing magkakapitbahay sa isang sitio sa Barangay Marulasnang may dumating na kotseng pula at pauwiin sila sa kanilang mga bahay ng mga sakay nito. Merly Iral