Anti-OSAEC Law epektibo-Risa

Anti-OSAEC Law epektibo-Risa

October 21, 2022 @ 6:44 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Aabot sa 20 ‘bastos’ na website na nagpapakita ng malalaswang litrato o bidyo ng mga bata ang hinarang ng mga awtoridad, ani Senator Risa Hontiveros.

“Ang bagong Anti-OSAEC (Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children Law) ay gumagana,” sabi ni Hontiveros sa isang pahayag.

“Sa ngayon, naka-block na ang benteng (20) mga website at mga larawang nagpapakalat ng mga child sexual abuse and exploitation materials sa internet.”

“Binigyan din ng NBI ng kopya ang opisina ko ng mga link na inaksyunan nila. Bilang punong may-akda ng batas, ito ay isang napaka-positibong pag-unlad sa ating paglaban sa OSAEC,” aniya.

Ipinaalam din ng cybercrime unit ng NBI sa senadora na agad ding kumilos ang telecommunication giant na PLDT Inc. sa kahilingan nitong tanggalin ang nasabing mga website at link.

“Dagdag pa nila, mas marami pang mga link at pictures ang maaaring ma-takedown,” pagsisiguro ng senadora.

Nagpasalamat si Hontiveros sa NBI at pribadong sektor, tulad ng PLDT, sa kanilang agarang aksyon.

“Nakatutuwa akong makita tayong lahat na nagtutulungan upang tunay na isara ang OSAEC,” sabi ng senador.

Hinikayat din ni Hontiveros ang publiko na patuloy na mag-ulat sa mga awtoridad ng child abuse sites upang matuldukan ang problema. RNT