Anti-photobomber bill sa cultural properties umusad sa Kamara

Anti-photobomber bill sa cultural properties umusad sa Kamara

August 19, 2022 @ 8:05 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pasado na sa committee level ang panukalang Cultural Property Sightline Act o ang pagbabawal sa mga “photobombers” na haharang sa mga view o sightline ng mga cultural properties ng bansa.

Layon ng House Bill 1994 na inakda ni Albay Rep Edcel Lagman na maprotektahan at mapanatili ang cultural national historical landmarks, monuments at shrines ng bansa at maiwasan nang maulit ang kontrobersiyal na Torre de Manila Condominium sa Maynila na photobomber sa Rizal Monument sa Rizal Park.

Sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture ay nagmosyon si Marikina City Rep. Marjorie Teodoro na aprubahan na ang HB 1994 na sinegundahan naman ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel.

Sinabi ni Chairman of the Committee on Basic Education and Culture Pasig Rep. Roman Romulo na ang panukala ay lusot na sa komite nang walang anumang pagtutol.

Sa kanyang explanatory note sinabi ni Lagman na dapat maisabatas ang panukala dahil aatasan nito ang mga local government units na mapigilan ang mga real estate developers na magtayo ng mga gusali na makakaharang sa mga national monument ng bansa.

“Today, eight years later, the Philippines still lacks a law that will obviate the recurrence of the Torre de Manila issue. It is then imperative that a national legislation be finally enacted to preclude the repetition of this shameful photobombing of a cultural landmark”pagtatapos pa n Lagman. Gail Mendoza