ANTI-SMUGGLING TASK FORCE SUSUGPO SA ILLEGAL IMPORTED AGRI PRODUCTS

ANTI-SMUGGLING TASK FORCE SUSUGPO SA ILLEGAL IMPORTED AGRI PRODUCTS

February 23, 2021 @ 12:12 AM 1 week ago

  •  
  •  
  •  

MUKHANG may punto si Agriculture Sector Alliance of the Philippines at Pork Producers of the Philippines President Nicanor Briones sa hirit na pagbuo ng Anti-Smuggling Task Force ng pamahalaan na susugpo sa iligal na pagpasok sa bansa ng mga produktong agrikultura.

Hindi kasi kaila sa marami na bumaha ng mga imported na karne ng baboy at manok sa mga pamilihan matapos kapusin ang buong Luzon sa suplay ng baboy sanhi ng pesteng dulot ng African Swine Fever (ASF) na naging dahilan upang sumirit nang husto pataas ang presyo nito sa merkado.

Sabi ni Briones, nalumpo nang husto ang hog at poultry industry, maging ang mga magsasaka at mangingisda dahil sa smuggling ng mga karne ng baboy at manok, bigas at maging ng imported na isda kaya nagkulang ang suplay ng pagkain na nagresulta sa pagsirit ng presyo ng lahat ng bilihin.

Sa pagtaya ni Briones, aabot sa P20 bilyon ang nalulugi sa produktong agrikultura kada taon habang aabot sa halos P40 bilyon ang nawawalang kita ng kaban ng bayan dahil sa talamak na smuggling ng mga produktong agrikultura na sana’y sapat na ayuda, hindi lamang sa panahon ng pandemya at iba pang uri ng kalamidad kundi sa mga magbababoy na sinalanta ng ASF.

Nauna nang binatikos ni Briones ang kakulangan ng aksyon ng Department of Agriculture upang tugunan ang problema sa ASF dahil parang panakip-butas lamang ang solusyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng maliit na halaga ng ayuda sa kada-baboy na namamatay sa peste sa halip na gumawa ng hakbang upang mauna ang pag-aangkat ng bakuna laban dito.

Noon pang pagpasok ng Pebrero ipinangalandakan ng DA na malapit nang magkaroon ng bakuna laban sa ASF pero sa kalagitnaan ng buwan, inamin ng pamahalaan na naantala ang pag-aangkat nito dahil inuna muna ang bakuna laban sa COVID-19.

May punto naman din ang pamahalaan dahil mas malubha ang pandemyang dulot ng COVID-19 pero sabi ni Briones, dapat ay gumawa naman daw ng programa ang DA para sa kapakanan ng lahat sa halip na buksan sa mga importer at smuggler ang pag-aangkat ng mga produktong agrikultra.

Nagtataka rin si Briones kung bakit ang mga lokal na produktong baboy at manok lamang ang may price ceiling gayung mas dapat na itakda ng gobyerno sa halagang P160 hanggang P180 ang kada kilo ng frozen meat na ngayo’y ibinebenta sa mga palengke nang mula P170 hanggang P300.

Tinawanan din ng grupo ni Briones ang isinulong na Food Summit na pangungunahan ng DA sa buwan ng Abril dahil baka pagsapit ng ganitong panahon ay wala nang mapag-uusapan dahil salat na talaga sa suplay ng baboy ang buong bansa.

Sana raw ay huwag nang unahin ng DA ang paglikha ng programa para maging panakip-butas sa kanilang kapalpakan na ipiprisinta sa Food Summit.

Abangan na lang siguro natin sa unang Linggo ng pagpasok ng buwan ng Abril.


  •  
  •  
  •