Anti-Tambay probe, ikinasa sa Senado

Anti-Tambay probe, ikinasa sa Senado

June 25, 2018 @ 2:02 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Naghain si Senador Bam Aquino ng resolusyon na may layunin na imbestigahan ang patakaran ng pamahalaan laban sa tambay at pagkamatay ni Genesis “Tisoy” Argoncillo, na sa kustodiya ng Quezon City Police District, apat na araw matapos arestuhin sa kasong alarm and scandal.

“Maraming mga detalye na hindi tumutugma, pero ang malinaw sa akin, hindi dapat namatay si Tisoy,” wika ni Sen. Bam, na isinumite ang Senate Resolution No.  772.

“Hindi siya mamamatay kung hindi pinatupad ang isang polisiya na nakatarget ang mahihirap,” dagdag ni Sen. Bam.

Sa kanyang resolusyon, tinawag ni Sen. Bam ang kampanya laban sa tambay bilang anti-poor kasabay ng paghiling sa Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na pinamumunuan ni Sen. Panfilo Lacson, na imbestigahan ang nasabing insidente upang maprotektahan ang mga ordinaryong Pilipino laban sa pag-abuso.

“There is a need to assess whether the PNP’s anti-tambay campaign, as well as the local ordinances on which they are supposedly based, are consistent with national laws and the Constitution,” wika ni Sen. Bam.

Isinumite ni Sen. Bam ang resolusyon ilang araw ang pagkamatay ni Argoncillo habang nasa kustodiya ng Quezon City Police District. Naaresto si Argoncillo noong June 15 dahil sa umano’y alarm and scandal ngunit namatay apat na araw ang nakalipas.

Naglabas ng magkakaibang pahayag ang PNP ukol sa pagkamatay ni Argoncillo. Noong una, sinabi ng PNP na ito’y self-inflicted trauma. Binago nila ito sa suffocation dahil sa masikip na bilangguan.

Matapos lumitaw sa death certificate ni Argoncillo na siya’y namatay sa multiple blunt force trauma sa leeg, ulo at dibdib, sinabi ng QCPD na nasawi si Tisoy matapos bugbugin ng kapwa bilanggo.

“Pumunta lang sa tindahan, inaresto dahil hindi naka-tshirt. Ngayon, nakaburol na. Napakasakit nito para sa pamilya ng biktima at sa ating bansa. Nakakabahala ang paiba-ibang deklarasyon ng pulis sa dahilan ng pagkamatay ni Tisoy,” wika ni Sen. Bam.

Ilang mamamayan din ang nagsabi na sila’y inaresto habang nag-aantay sa gate ng bahay ng kaibigan sa Makati City. Ikinulong sila ng isang oras at ipinakita ang video ng pahayag ni Pangulong Duterte laban sa tambay bilang basehan ng kanilang pagkahuli.

Noong June 17, 2018, kumalat sa social media ang CCTV footage ng isang lalake na walang damit pang-itaas na sinita ng pulis pagkalabas niya ng bahay sa Novaliches, Quezon City. Hindi inaresto ang lalake, na tinukoy bilang si Ariel Morco, ngunit inutusang linisin ang banyo ng police station.

“Halos lahat ng mga naaresto ay mga mahirap at ang mga operasyon ay ginagawa sa mahihirap na komunidad. Tama na po ang pagpapahirap sa mga mahihirap,” wika ni Sen. Bam. (Ernie Reyes)